Hontiveros

Pagtaas ng sweldo suportado sa Senado

14 Views

HINIMOK ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ang kasalukuyang liderato na ikonsidera bilang agaran at importanteng panukala ang kaniyang panukalang batas sa pagtaas ng sahod, dahil hindi na umano kayang maghintay pa ng milyon-milyong manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

“Dapat nakakasabay ang sahod sa pagtaas ng presyo ng bilihin, pamasahe, at monthly bills. Nothing is more urgent than raising our workers’ wages. Kailangan nila ito ngayon,” ani Hontiveros.

Binigyang-diin niya na ang bawat araw ng pagkaantala ay nagtutulak sa mas maraming pamilya sa mas matinding kahirapan. “Sa bawat araw na nadedelay ang pag-usad ng panukalang ito, mas maraming pamilya ang nalulubog sa kahirapan. Panawagan natin na i-certify urgent na ito.”

Naipasa na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ang House Bill No. 11376, na nagtatakda ng ₱200 dagdag sa arawang sahod ng lahat ng manggagawa sa pribadong sektor, anuman ang laki ng kanilang pinagtatrabahuhang kumpanya.

Samantala, noong Pebrero 19, 2024, inaprubahan naman ng Senado ang Senate Bill No. 2534 na nag-aatas ng ₱100 minimum wage hike. Iginiit ni Hontiveros na dapat saklawin nito ang mga manggagawang kontraktwal, sub-kontraktwal, at yaong nasa ilalim ng mga ahensya.

Bagamat suportado niya ang itinatakdang pagtaas ng sahod, iginiit ni Hontiveros na ito ay isa lamang hakbang pasulong. “There is still a need to push for a ₱1,200 daily living wage. Filipino workers deserve a decent salary that truly meets their needs,” aniya.

Kasabay nito, kinilala rin ni Hontiveros ang pangamba ng mga may-ari ng micro, small, at medium enterprises (MSMEs) kaugnay ng epekto ng taas-sahod sa kanilang operasyon. Binigyang-diin niya ang pangangailangang suportahan ng pamahalaan ang maliliit na negosyo upang makasabay sila sa dagdag na gastusin sa paggawa nang hindi naaapektuhan ang kanilang pagpapatuloy.

“Kailangan nating tulungan ang maliliit na negosyo na makasabay sa wage increase nang hindi sila nalulugi o napipilitang magsara. Dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na suporta sa kanila para sa kapakanan ng parehong manggagawa at employer,” pagtatapos ni Hontiveros.