Calendar

Pagtapos ng CATS course ng CAAP ginanap, 50 lumahok
UMABOT sa 50 indibidwal ang nakatapos sa 18th Comprehensive Air Traffic Service (CATS) Course ng Civil Aviation Authority of the Philippines.
Ginagap ang kanilang graduation ceremony nitong Biyernes, Mayo 16, 2025, sa Civil Aviation Training Center (CATC) sa Pasay City.
Ang grupo ng mga nagtapos, na kilala bilang Batch “Masidlipaw,” ay matagumpay na nakatapos ng isa sa pinakamahigpit at pinakamahalagang training program ng CAAP para sa mga nagnanais maging air traffic controller.
Sa kanyang keynote speech, binati ni CAAP Director General Ret. Lt. Gen. Raul L. Del Rosario AFP ang mga nagtapos at pinuri ang kanilang tiyaga at dedikasyon.
Mula sa orihinal na 76 na trainees mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, 50 lamang ang nakatapos ng programa at ngayon ay handa nang gampanan ang mahalagang tungkulin ng pamamahala sa airspace ng bansa.
“Sa inyong pagharap sa mga totoong hamon ng air traffic service, nawa’y palagi ninyong isaisip na ang kaligtasan ang inyong misyon at ang serbisyo ang inyong tungkulin,” ani Del Rosario.
Ang CATS program ay nagbibigay ng komprehensibo at internationally-aligned na pagsasanay upang ihanda ang mga aspirant na air traffic controller sa teknikal na kaalaman at disiplina na kinakailangan para sa ligtas at epektibong pamamahala ng trapiko sa himpapawid.
Bahagi rin ito ng pagsuporta sa layunin ng International Civil Aviation Organization (ICAO) sa ilalim ng New Generation of Aviation Professionals (NGAP) initiative, na tumutugon sa kakulangan ng skilled aviation personnel sa buong mundo.
Ipinahayag ng CAAP ang kanilang taos-pusong pagbati sa Batch Masidlipaw at umaasang malaki ang magiging ambag ng mga ito sa pagpapanatili ng seguridad at integridad ng Philippine airspace.