Quimbo Marikina City Rep. Stella Quimbo

Pagtapyas sa OVP budget ‘trabaho lang’

99 Views

HINDI man lamang ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte ang hinihinging P2.037 bilyong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon, dahilan kaya hindi nakumbinsi ang mga kongresista na huwag itong bawasan.

Unanimous ang naging desisyon ng Committee on appropriations ng Kamara de Representantes na ibaba sa P733 milyon ang panukalang badyet ng OVP mula sa hinihingi nitong P2.037 bilyon.

Ang tinapyas na P1.29 bilyon ay ililipat sa mga ahensya na siya ng magpapatupad ng mga programa ng OVP.

Ayon kay appropriations senior vice chairperson at Marikina City Rep. Stella Quimbo, napakahalaga ng mga impormasyon na maibibigay ng mga ahensya upang mabigyang katwiran ang kanilang hinihinging pondo.

Sa pagdinig ng komite ay tumanggi si VP Duterte na ipaliwanag ang ginawa nitong paggastos sa inilaang pondo sa mga nagdaang taon at hindi rin binigyang katwiran ang hinihingi nitong mas malaking pondo para sa 2025.

“Ang sa atin again pinakaimportante is anong information ang makukuha natin kasi we need to make an informed decision. Ang budget is an informed decision. Information ang pinakaimportante sa lahat,” ayon sa pahayag ng mambabatas sa ambush interview ng media noong Huwebes.

Nang tanungin kung ang pagtanggi ni VP Duterte na sagutin ang mga tanong sa pagdinig ng komite ang nagtulak sa pagbabawas sa panukalang badyet ng tanggapan nito, sinabi ni Quimbo na siya at ang kanyang mga kasama sa panel ay ginawa lamang ang kanilang trabaho.

“Well sa amin, trabaho lang po ang ginagawa natin. At the end of the day, ang most important thing to ask would be the information needed to reflect on the budget, iyon lang talaga. So, to the extent, iyong absence niya did not shed light on many issues sa aking palagay ang naka-affect. ‘Yung kakulangan ng information ‘yan ang naka-affect talaga,” saad pa nito.

Tungkol naman sa posibilidad na magbago ang desisyon ng komite o plenaryo sakaling dumalo ang Bise Presidente sa pagtalakay ng panukalang badyet sa plenaryo, sinabi ni Quimbo, “Tingnan po natin. I mean we are open to anything. As I said, there’s another round of amendments (in plenary).”

“Kasi alam niyo dito sa amin, House of the People, welcome po ang lahat. Welcome ang lahat,” sabi pa nito.

Binigyang diin pa ni Quimbo na hindi madaling desisyon na irekomenda ng komite ang ginawang pagtapyas sa malaking bahagi ng badyet ng OVP.

Sinabi ni Quimbo na binawasan ang mga pondo ng mga programa at proyekto ng OVP na sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa hindi magandang implementasyon.

“As to where… what the problem areas were, that was easy. Listening to all the during the hearings — ang tagal nung hearing di ba? Kahit naman kayo may mga major things that will jump out, and ‘yung sinabi ko na nga na kung bakit madaming satellite offices and number two, ‘yung napakaraming programa na meron naman sa national government na puwedeng i-tap,” paliwanag pa ng mambabatas mula sa Marikina.

Sinabi niya na napagalaman ng komite at ng COA na ang social programs ng OVP, tulad ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap, ay kapareho ng programa para sa social protection na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

“And you can have as much allocation as you can implement. At ganoon naman ang mga senators, congressmen. So why not have the same kind of arrangement?” tanong pa ni Quimbo.

Sinasabi rin niya na isa rin sa naging usapin ang tamang paggamit sa pondong inilaan sa tanggapan.

“And… ‘yung usual na hinahanap namin, which is magkano bang utilization mo, ano ba ‘yung efficiency mo,” ayon pa kay Quimbo.

Inilipat ng appropriations committee ang buong halagang P947 milyon na financial assistance fund at iba pang ibinawas na budget ng OVP sa programa ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD at sa medical assistance program ng DOH.