Calendar
Pagtatama ni Angara sa mga problemang minana sa DepEd suportado
IPINAHAYAG ni Zamboanga Del Norte 3rd District Rep. Adrian Michael Amatong ang kanyang suporta sa pangako ni Secretary Sonny Angara na aayusin ang mga naiwang problema sa Department of Education (DepEd), na namana nito mula sa dating kalihim ng tanggapan na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Amatong, ang mga isyung ito ay kinakailangang harapin ni Angara at umaasa na ang bagong pamunuan ay magkakaroon ng mas epektibong hakbang upang mapabuti ang estado ng edukasyon sa bansa.
Sa ginanap na pagdinig sa Kamara sa panukalang P793.18-bilyong badyet ng DepEd para sa 2025, ipinahayag ni Amatong ang kanyang pagkabahala sa kalagayan ng sistema ng edukasyon, lalo na ang mga matagal nang problema sa procurement ng departamento at ang labis na kakulangan ng mga silid-aralan at mga aklat sa buong bansa.
Binanggit ni Amatong na ang mga isyung ito ay patuloy na umiiral sa kabila ng malaking pondo na inilalaan ng pamahalaan, kaya naman mayroong mga pagdududa sa naging pamamahala sa tanggapan ni Vice President Duterte.
“Akala ko naman wala tayong pondo, meron pala. Di ko maintindihan anong nangyayari, bakit nagsa-suffer ang mga bata? Kasi po kung wala tayong pondo, maintindihan ko eh, pero bakit po DepEd, bakit po, meron naman pala?,” tanong pa ni Amatong, lalo’t napakaraming mga estudyante, partikular sa mga mahihirap na distrito, ang walang nagagamit na aklat at kagamitan sa pag-aaral.
Kumpiyansa si Amatong na sa ilalim ng pangangasiwa ni Angara bilang bagong kalihim ng tanggapan ay direktang haharapin nito ang mga minanang problema.
“We’ll make sure, Your Honor, that we will coordinate with you. Tayo, we pledge to be fair in the distribution of classrooms. Pagbigyan ninyo sana dahil bago pa po kami. Give us a chance to show, ipakita po namin ‘yun, na makaka-deliver po kami,” sagot naman ni Angara sa komite.
Kinumpirma naman ni Amatong ang lawak ng mga hamon na haharapin ni Angara dahil sa mga problemang naiwan ni VP Duterte.
“Alam kong kailangan mo ng milagro dyan para maitama lahat,” ayon pa kay Amatong, na kinikilala ang malaking trabaho na kailangang gawin ni Angara upang makamit ang mga layunin para sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon.
Binigyang diin pa ng mambabatas ang pangangailangan na agad na matugunan ang lumalaking kakulangan ng mga silid-aralan, na umaabot sa 160,000 klasrum.
“We talk about improving the learning environment, about computers and textbooks, but if there are no classrooms, what kind of environment are we providing?” tanong pa ni Amatong, na nagbibigay diin sa pagkabigo ng nakalipas na administrasyon na unahin ang mahalagang aspeto ng edukasyon.
Tumugon si Angara sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanyang matibay na pangako na gawin ang mga kinakailangang pagbabago sa DepEd upang masolusyunan ang mga problema at mapabuti ang sistema ng edukasyon.
“We are committed to making extraordinary efforts to address these concerns. We see the low obligation rates and undelivered resources, and we know this cannot continue.
We will change the system,” ayon kay Angara.
Umaasa si Amatong na sa ilalim ng pamumuno ni Angara ay masosolusyunan ang matagal nang mga isyu sa DepEd.
Hinimok din niya ang Kongreso na pondohan ang hiling ng DepEd na karagdagang P30 bilyon para sa mga silid-aralan — binibigyan-diin ang kahalagahan ng pagbibigay sa bawat estudyante ng maayos na lugar para sa pag-aaral.
“Let’s ensure that every student has a proper learning environment,” ayon pa kay Amatong, na tiwala at suportado si Angara para baguhin at ayusin ang sektor ng edukasyon.