Martin

Pagtatayo ng sustainable communities inaprubahan ng Kamara

179 Views

DAPAT umanong mabigyan ng maayos na komunidad na matitirahan ang bawat Pilipino, ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Kaya inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Sustainable Cities and Communities Act o House Bill 6715 sa botong 242 pabor at tatlong tutol.

“House Bill No. 6715 aims to create neighborhoods that can provide decent living conditions to our people, especially the poor, including comfortable shelter and recreation facilities, basic services and employment opportunities,” sabi ni Speaker Martin G. Romualdez.

Ipinunto ni Speaker Romualdez na maraming mahihirap na nasa rural area ang pumupunta sa mga siyudad dahil walang mapasukang trabaho o pagkakakitaan ang mga ito para maitaguyod ang kanilang pamilya.

“We can prevent such migration if we could build sustainable urban areas, towns and communities and balance national development,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang panukala ay pangunahing akda nina Reps. Jose Francisco Benitez ng Negros Occidental, Christian Tell Yap ng Tarlac at Ivan Howard Guintu ng PINUNO party-list.

Layunin ng panukala na maglatag ng angkop na plano sa pagtatayo ng isang sustainable na komunidad kung saan maaaring makapamuhay ng maayos ang bawat pamilyang naririto.

Saklaw ng panukala ang mga siyudad at munisipyo na ang mayorya ng barangay ay ikinokonsiderang urban area ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), National Economic and Development Authority (NEDA) at PSA ang gagawa ng national housing and urban development plan upang makamit ang layunin ng panukala.