Gonzales

Pagtutol ng China sa PH Maritime Zone Act, dinedma ng mga mambabatas

Mar Rodriguez Mar 6, 2024
148 Views

IPINAGKIBIT-BALIKAT ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes ang pagtutol ng China sa panukalang Philippine Maritime Zone Act, na nagbibigay ng diin sa dedikasyon ng pagsusulong ng pambansang interes sa kabila ng umiiral na tensyon sa mga pinag-aagawang teritoryo.

“This is our country, this is what we need, and we are going to do it for our country and not for China,” ang mariing pahayag ni House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II sa ginanap na pulong balitaan, bilang tugon sa pagkontra ng China sa nakaambang pagsasabatas ng panukala.

Layunin ng panukalang Philippine Maritime Act na tukuyin ang mga hangganan ng mga isla, sinasaklaw na karagatan at ang exclusive economic zones ng bansa, na inaprubahan ng Mababang Kapulungan noong Mayo ng nakalipas na taon, at pinagtibay naman ng Senado noong ika-26 ng Pebrero.

Mariin namang tinutulan ng China ang panukala na umano’y sumasagasa sa kanilang teritoryo at mga karapatan at interes sa South China Sea.

Naninindigan naman si Gonzales na itutuloy ng Pilipinas ang sariling agenda nito sa kabila ng pagtutol ng China.

“Hindi naman sila boboto rito. I’m just joking, but ‘yun ang kailangan natin eh. So regardless of their position, bakit naman we will be influenced by their position on what we need and what we should do?” Giit pa ni Gonzales.

Binatikos din ng pinuno ng kalipunan ang pagpabor ng China sa bilateral talks, lalo’t kaakibat nito ay ang hindi patas na kapangyarihan sa negosasyon. Sa halip ay isinusulong ni Gonzales ang multilateral approach bilang mas makatarungang alternatibo.

“‘Yan palagi ang gusto ng China, tayong dalawa lang ang mag-usap. Alam niyo naman in a diplomatic table, kung dalawa lang kayong nag-uusap, may pinag-uusapan kayo, ay isa lang naman ang rule dyan, kung sino ang may armas ‘yun ang mananalo. Kaya ayaw natin iyon eh, kaya ang gusto natin multilateral eh,” ayon kay Gonzales.

Ganito rin ang pananaw ng mga mambabatas na sina Rodge Gutierrez ng 1-RIDER Party-list, Wilfrido Mark Enverga ng unang distrito ng Quezon at Amparo Maria Zamora ng ikalawang distrito ng lungsod ng Taguig.

“At the end of the day we, will be legislating for our people as representatives of the people and what we can say is that we will definitely not give up this right,” ayon kay Gutierrez.

Binigyang-diin din ni Gutierrez ang legalidad ng panukalang batas, na siya ring itinatadhana sa pambansa at pandaigdigang batas, kabilang na ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Pinasinungalingan din ni Gutierrez na ang panukala ay taliwas sa sinasaad ng international law, at iginiit na tugma ito sa mga probisyon ng UNCLOS.

Sinang-ayunan naman ni Enverga ang paninindigan ni Gonzales sa pagtanggi sa bilateral talks sa pagitan ng China, na aniya’y makailang ulit ng nasubukan subalit hindi nagtatagumpay.

“I think we’ve explored that before and we know the predicament of doing the same thing. So iyong water cannon is still there, iyong mga paghaharang, pagbabangga. I think it’s time for us to really address this issue,” ayon kay Enverga.

Duda rin si Zamora sa diplomatic intention ng China, lalo na sa ginagawa nitong pangggigipit sa mga Pilipino sa mga pinagtatalunang isla.

“Makikinig pa ba tayo sa kanila? Dati ginigitgit lang, kahapon binangga na binomba pa ng tubig,” Zamora said, referring to China’s assertive behavior in the West Philippine Sea.

Iginiit pa ni Zamora na mahalaga ang pagpapanatili ng katatagan ng bansa sa kabila ng tensyon at ang pagprotekta sa interes ng Pilipinas.

“China is known for their wolf warrior diplomacy, so talaga naman kahit anong sabihin nila hindi naman sila makikipag-usap ng maayos,” ayon pa kay Zamora.

“So dapat para sa atin, tulad ng sinabi ng mga kasamahan ko, eh ipaglaban lang natin iyong atin talaga,” dagdag pa ng mambabatas.