Calendar

Palasyo: K-to-12 grads pwede nang magtrabaho sa gobyerno
MAS malawak na ngayon ang pagkakataon para sa mga nagtapos ng K-to-12 na makapasok sa mga trabahong pampamahalaan matapos buksan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga entry-level positions para sa mga senior high school (SHS) graduates, na makabuluhang nagpapalawak ng kanilang job opportunities sa public sector.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naglabas ang Civil Service Commission (CSC) ng Resolution No. 2500229 na nag-aamyenda sa qualification standards para sa first-level government positions upang isama ang mga nagtapos ng SHS.
Ang resolusyon, na ipinatupad noong Marso 6, ay nagpapahintulot sa pag-hire ng mga Grade 10 completers at Grade 12 graduates mula 2016 pataas, alinsunod sa revised education standards.
“Ngayon, kinikilala na ang mga sumusunod na Grade 10 completers simula 2016, Grade 12 graduates simula 2016, at mga nagtapos ng tech-voc (technical-vocational) track na may TESDA NC II Certification,” ani Castro sa isang Malacañang briefing, na tumutukoy sa Technical Education and Skills Development Authority National Certificate.
Ayon kay Castro, ang reporma ng CSC ay naglalayong magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na makapasok sa public service, alinsunod sa mga layunin ng K-to-12 program.
Ang mga binagong patakaran ng CSC ay nag-update sa mga dating qualification requirements para sa clerical, custodial at iba pang sub-professional positions, bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na i-align ang hiring standards sa mga resulta ng K-to-12 education system.
Gayunpaman, nilinaw ng CSC na ang mga binagong education standards ay hindi saklaw ang mga posisyong nangangailangan ng partikular na college degrees o ang mga propesyong kinokontrol ng mga board laws.
Dagdag pa rito, kailangan pa ring matugunan ng mga aplikante ang iba pang qualification requirements para sa posisyon, kabilang ang kaugnay na training, karanasan at angkop na civil service eligibility, upang makonsidera para sa appointment.
Ipinaliwanag din ng CSC na ang pagtatalaga sa mga posisyon sa gobyerno ay discretionary o nakasalalay pa rin sa appointing officer o authority, batay sa umiiral na civil service laws, rules at regulations.
Ang pinalakas na K-to-12 Basic Education Program, na inilunsad noong 2012, ay idinisenyo upang lumikha ng isang functional basic education system na magde-develop ng mga produktibo at responsableng mamamayan na may sapat na kasanayan, kakayahan at pagpapahalaga para sa panghabambuhay na pagkatuto at trabaho, ayon sa Department of Education (DepEd). PCO