Calendar
Si AWLFI Co-President Rep. Linabelle Villarica, Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, at ang celebrity guest na si Marjorie Barretto ay nagputol ng laso sa seremonya ng pagbubukas ng “PamasCONG Handog: Garage Sale for a Cause VI” kasama ang mga kababaihang mambabatas (L-R) na sina Reps. Sarah Elago, Krisel Lagman, Dadah Ismula, Laarni Roque, Cutie del Mar, Ching Bernos, Mila Magsaysay, Agay Cruz, Karen Lagbas, at Tina Lopez.
PamasCONG Handog: Garage Sale for a Cause nasa ika-6 na taon na; kababaihan, kabataan ng NCMH nakinabang
NGAYONG ika-anim na taon ng event, nagbukas ang bentahan ng mga premium pre-loved na items mula sa mga kababaihang mambabatas, na sinamahan pa ng celebrity na si Marjorie Barretto upang magbigay ng kanyang star power.
Ang limang araw na kaganapan ng Association of Women Legislators Foundation, Inc. (AWLFI) ay ginaganap sa South Wing Lobby ng House of Representatives sa Quezon City mula Disyembre 9-11 at Disyembre 15-16, 2025.
“Ang PamasCONG Handog: Garage Sale for a Cause ay naging flagship namin na hinahanap-hanap tuwing Pasko para sa bargain finds na nakakatulong pa sa iba,” sabi ni AWLFI Co-President at 4th District, Bulacan Rep. Linabelle Ruth R. Villarica.
“Ang kikitain ngayong taon ay gagamitin upang magdagdag ng waiting area sa dalawang palapag na Women and Children Protection Unit ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City na itinayo ng AWLFI para sa NCMH,” dagdag pa ni Villarica.
Kasama ang kanyang Co-President na si Rep. Gina de Venecia ng 4th Congressional District, Pangasinan, umaasa silang makapagsimula ng pagtatayo ng isang pambansang women’s crisis center sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at ang Senado ng Pilipinas.

