wps

‘Pambu-bully’ ng China sa PH sa WPS kinondena

Cory Martinez May 23, 2025
17 Views

KINONDENA ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang panghihimasok ng China Coast Guard (CCG) habang nasa routine marine scientific research mission ang dalawang civilian vessel ng Pilipinas sa paligid ng Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay) sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa BFAR, nangyari ang insidente noong Mayo 1 habang ang BFAR vessel na BRP Datu Sanday (MMOV 3002) at BRP Datu Pagbuaya (MMOV 3003) ay nagsasagawa ng routine mission upang mangolekta ng mga sand sample bilang bahagi ng marine scientific research initiative.

Bandang alas-9 ng umaga, biglang binomba ng tubig at sinagi ng CCG ang BRP Datu Sanday ng dalawang beses na nagresulta sa pagkasira ng port bow at smokestack nito, at naglagay sa panganib ng mga Pilipinong sibilyan na sakay ng barko.

Sinabi pa ng BFAR na unang pagkakataon na nangyari ang pagbomba ng tubig laban sa research vessel ng BFAR sa lugar ng Pag-asa Cay.

Sa kabila ng agresibong panghihimasok at ilegal na aksyon ng CCG, natapos ng grupo ng mga Pilipinong siyentista ang kanilang operasyon sa Pag-asa Cay 1, 2 at 3.

Binigyang-diin ng BFAR na naganap ang insidente sa loob ng territorial sea ng Pilipinas sa lugar ng Pag-asa Island at Pag-asa Cay 2, na pawang bahagi ng Kalayaan Island Group sa WPS.

Tiniyak ng BFAR na patuloy ang kanilang komitment sa scientific integrity, sustainable fisheries management at ang proteksyon sa national interest ng WPS ayon sa international at domestic law.