Guo

Pamilya ni Guo may business interest sa Golden Triangle, posibleng dun magtago

Chona Yu Aug 24, 2024
27 Views

HINDI inaalis ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang posibilidad na magtago sa Cambodia, Laos at Myanmar, o Golden Triangle, si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, may business interest kasi ang pamilya ni Guo sa Golden Triangle.

Dagdag ni Casio, hindi kasi maaaring magtungo at magtago si Guo sa China.

Paliwanag ni Casio, person of interest si Guo sa China dahil sa mga akusasyon ng illegel gambling sa kaniya dito sa Pilipinas.

Masyado aniyang mahigpit ang China kaugnay sa usaping gambling sa kanilang teritoryo, kaya tiyak na hindi ito papasok doon.

Ayon kay Casio, may gambling business ang pamilya ni Guo sa Cambodia kaya posibleng ito ang pinakaligtas na maaaring puntahan.

“They are part of a big criminal organization, ‘yung Fujian Gang kung saan kabilang ang mga Guo ay kabahagi ng Golden Triangle triad,” ayon pa kay Casio.

Aminado naman ang opisyal na mahihirapan silang arestuhin si Guo sa Golden Triangle dahil mayroon pang giyera ngayon sa Myanmar.