Calendar
Pamumuno ni Speaker Romualdez kinilala, patuloy na suportado ng iba’t ibang political party
KINILALA at pinuri ng iba’t ibang partido politikal ang pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nasa likod ng mga tagumpay na narating ng Kamara de Representantes ngayong 19th Congress.
Ang pagsuporta sa pamumuno ni Speaker Romualdez ay magkakahiwalay na inihayag ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP) at Party-List Coalition Foundation Inc. (PCFI).
Ayon kay NUP president CamSur Rep. LRay Villafuerte, hindi maitatanggi ang pagiging produktibo ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez.
Aniya, naipasa na ng Kamara ang halos lahat ng mga panukala na prayoridad na maipasa ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at nabanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA), na makatutulong upang mapaganda ang kalagayan sa buhay ng mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap at mga bulnerableng sektor, gaya ng mga senior citizen, person with disability at solo parent.
“Spelling better lives for all Filipinos, as committed by the President, has been, and continues to be, the priority of the 307-strong House of Representatives on the Speaker’s watch, hence the need for greater unity in lieu of political discord,” ani Villafuerte.
Muli ring iginiit ng mga stalwart ng Lakas-CMD na sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang kanilang pagsuporta kay Speaker Romualdez at Pangulong Marcos.
Sinabi nila na sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay nagkakaisa ang mga miyembro ng Kamara sa paghahatid ng mga pro-people na panukala alinsunod sa development goals ni Pangulong Marcos.
“Speaker Romualdez’s leadership has been the catalyst for the House’s unprecedented productivity, consistently driving results. His focus on inclusive growth and people-centered reforms demonstrates our collective commitment to improving the lives of every Filipino,” sabi ni Gonzales.
Kinilala naman ng NPC si Speaker Romualdez sa pagsusulong nito ng mga makabuluhang reporma at panukala ng administrasyong Marcos upang mai-angat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka, matiyak na sapat ang suplay ng murang pagkain, at ang paglalatag ng matibay na pundasyon para sa isang maunlad at inklusibong Bagong Pilipinas.
Sinabi ng tagapagsalita ng NPC na si Quezon 1st District Rep. Mark Enverga, chairman ng House committee on agriculture and food, na ang layunin at direksyon ng pamumuno ni Speaker Romualdez ang nagpatibay sa supermajority ng Kamara, at nasa likod ng mga naisabatas na panukala ni Pangulong Marcos na naglalayong tugunan ang mga problema sa bansa.
“Speaker Romualdez’s leadership is the cornerstone of the House’s historic achievements. His ability to inspire unity and focus on results has made the 19th Congress a key partner of President Marcos in delivering the Bagong Pilipinas vision,” ani Enverga.
Isang resolusyon naman ang pinagtibay ng PCFI, na binubuo ng iba’t ibang party-list organization sa Kamara, upang ipahayag ang kanilang suporta kay Speaker Romualdez at sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
“Speaker Romualdez’s leadership has been characterized by integrity, innovation, and a steadfast commitment to transformative legislation, earning commendations from his peers and the public, and reinforcing the House’s role as a pillar of democracy,” sabi ng resolusyon ng PCFI na pinamumunuan ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, ang chairman ng House appropriations committee.
Kinilala rin ng PCFI ang pagbuo ni Speaker Romualdez ng mga komite upang makapagsagawa ng masusing imbestigasyon gaya ng quad committee na sumilip sa kaugnayan ng mga Philippine offshore gaming operation (POGO), extrajudicial killing (EJK), kalakalan ng iligal na droga at Chinese syndicates, na pagpapakita ng pagnanais ng Mababang Kapulungan na mapangalagaan ang karapatang pantao at pangingibabaw ng batas.
“Now therefore, be it resolved, as it is hereby resolved, that members of the Party-List Coalition Foundation, Inc. hereby express their unwavering support and full confidence in the leadership of Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, acknowledging his pivotal role in steering the House towards unprecedented legislative achievements, fostering unity among its members, and upholding human rights and social justice in the Philippines,” sabi pa ng resolusyon.
Nagpahayag din ng suporta ang mga stalwart ng NP kay Speaker Romualdez na sina House Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar, Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona.
Ayon sa mga miyembro ng NP, ang mga prayoridad ng Kamara ay akma sa agenda ng Bagong Pilipinas.
“Speaker Romualdez’s leadership ensures na ang bawat hakbang natin sa Kamara ay may direksyon at malinaw na layunin para sa ikabubuti ng lahat,” ayon kay Barbers. “Siya ang nangunguna sa pagbibigay diin sa pagkakaisa at pagtutulungan ng lahat ng political parties.”
Kinilala naman ni Villar ang mga hakbang na ginawa ni Speaker Romualdez upang mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng mga partido na siyang naging susi upang makamit ang mga layunin sa lehislatura at higit pang mga tagumpay.
“With Speaker Romualdez at the helm, we’ve proven that unity in Congress can lead to great outcomes. Ang masipag at masinsin niyang trabaho ang gumagabay sa atin para maipasa ang mga batas na may tunay na benepisyo sa ating mga kababayan,” ayon kay Villar.
Sinabi naman ni Madrona na pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pagtutulak ng mga tunay na reporma sa bansa.
“Hindi lamang ito tungkol sa dami ng naipasang batas kundi sa kalidad at benepisyo ng mga ito sa sambayanang Pilipino,” sabi pa ni Madrona.