Calendar

Panawagan ng solon sa mga botante: Ibasura mga kandidatong may konek sa POGO
NANAWAGAN si House Assistant Majority Leader Ernix Dionisio Jr. ng Manila sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidatong may kaugnayan sa ipinagbabawal na Philippine offshore gaming operation (POGO) sa paparating na eleksyon.
Sa isang press conference noong Lunes, binigyang-diin ni Dionisio na may mga tumatakbong kandidato na mayroong nakukuhang suporta mula sa POGO, na tiyak na kanilang poprotektahan kapag sila ay naluklok sa puwesto.
“Ang problema natin naman ngayon na hinaharap natin, same individuals involved in illegal gambling in POGOs. They’re trying to get in government. If you would see, ang daming tumatakbo.
Gusto makapasok sa pamahalaan para proteksyunan na naman ‘yung mga ilegal na gawain nila,” ani Dionisio.
Dagdag pa niya, “That’s why I really salute and commend President Bongbong R. Marcos Jr. na ipina-ban niya ‘yung POGO, ibinawal niya ‘yung mga gambling na ‘yan. Pero we should really help the President na tayong mga botante maging matalino, huwag nating hayaan mapasok ‘yung pamahalaan ng mga ilegalista ng mga taong ito.”
Naniniwala rin si Dionisio na ang desisyon ng Pangulo na ipagbawal ang POGO ay isa sa mga dahilan kung bakit natanggal ang Pilipinas sa money laundering watchlist ng Financial Action Task Force (FATF).
“Tingin ko isang reason doon ‘yung total ban ni President sa POGO…alam naman natin ‘yung POGO, ‘yan ‘yung web of lies and criminality eh. And isa diyan ‘yung money laundering. Ang malungkot na fact dito, ‘yung mga involved sa POGO, ‘yung mga sugarol, ‘yung mga naghahasik ng bisyo na nakakasira ng buhay ng Pilipino para yumaman lang sila. Dahil binawal na ni President Bongbong Marcos, um-okay tayo sa money laundering,” aniya.
Samantala, binigyang-diin naman ni House Minority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na ang imbestigasyon ng House quad committee sa POGO at mga kriminal na aktibidad na may kaugnayan dito ay isa pa sa nakatulong sa pagtanggal ng bansa sa FATF watchlist.
“I think from our end, ‘yung Quad Comm, ito po ‘yung nagpapakita na…nasa tama na direksyon. Dahil we were able to unearth ‘yung mga cobwebs ng lahat ng mga sophisticated na networkings ng mga illegal operators ng POGO dito. At least nakadagdag ‘yun,” aniya.
“Tama pa ‘yung…immediate na pag-ban (sa POGOs), dahil ang Presidente alam talaga niya kung ano ang magiging effect nito at paano dapat mag-move forward ang Pilipinas without this kind of illegal industry. Pero the HOR, from our end, the Quad Comm, has been able to at least come up with an institutionalized policy that would really deter the coming in or the resurrection of activities like POGO,” dagdag niya.
Samantala, sa pagpapakilala noong Pebrero 11 sa kanyang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial ticket sa Laoag City, Ilocos Norte, muling nanawagan si Pangulong Marcos sa mga botante na huwag suportahan ang mga kandidatong may kaugnayan sa nakaraang administrasyon, bagama’t hindi niya binanggit ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
“Wala sa kanila ang may bahid ng dugo dahil sa tokhang. Wala sa kanila ang kasabwat sa pagbulsa ng sako-sakong pera, pinagsamantalahan ang krisis ng pandemya, pinabayaan ang ating mga kababayan na magkasakit at mamatay,” ani Pangulong Marcos.
“Wala sa kanila ang mga pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang huli, at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” dagdag pa niya.
“Tayo ba ay papayag na babalik sa panahon gusto ng—kung kailan gusto ng ating mga liderato maging probinsya tayo ng Tsina?” tanong ng Pangulo.
“Babalik ba tayo sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan? Nais ba nating bumalik sa landas na umaapaw sa dugo ng mga inosenteng mga bata na inagaw ang kanilang—na inagaw sa kanilang mga ina, kinuha sa kanilang mga tahanan, at inagaw ang kanilang kinabukasan?” tanong pa niya.
“Walang nagnanais na Pilipino na mabalik tayo sa ganyang klaseng pagpatakbo,” pagtatapos ng Pangulo.