Calendar

Panawagan ni PBBM ng pagkakaisa, paghihilom pinuri sa Senado
NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Jose Jinggoy Ejercito Estrada ng pagkakaisa sa harap ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, kasabay ng kanyang pagsuporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipag-ayos sa pamilya Duterte para sa kapakanan ng Bayan.
Para kay Estrada, mahalaga ang pagpapakita ng liderato at malasakit sa bayan sa halip na panibagong hidwaang politikal.
“By expressing his desire to reconcile with the Dutertes, the President demonstrates his intent to rise above political bickering and focus on national healing and progress,” aniya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa matapos ang halalan, sa halip na tuluy-tuloy na alitan. “Ngayong tapos na ang eleksyon, tapos na ang batuhan ng putik, mas mabuti na ituon naming mga halal na opisyal ang atensyon sa tunay na gawain sa gobyerno – ang pagbuo ng bansa para sa kabutihan ng lahat.”
Ipinaalala rin ni Estrada na matagal na niyang hinihiling ang pagkakasundo sa pagitan ng mga pangunahing lider ng bansa.
“Reconciliation din ang panawagan at dasal ko noon sa ating dalawang pinakamataas na mga lider at ito pa rin ang hiling ko na manaig ngayon.”
Kaugnay ng mga panawagan na i-impeach si Pangalawang Pangulo Sara Duterte, mariing ipinahayag ni Estrada ang kanyang pagtutol.
“Sa mula’t mula pa, hindi ako sang-ayon sa pagsasagawa ng impeachment trial dahil magdudulot lamang ito ng pagkakawatak-watak nating mga Filipino,” babala niya.
Gayunpaman, iginiit niyang handa ang Senado na gampanan ang tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon, kung kinakailangan.
“The Filipino people deserve nothing less than a Senate that upholds integrity, objectivity, and respect for due process,” ani Estrada.