Sara

Pangangampanya ni Mayor Sara sa San Nicolas, Pangasinan isang kasaysayan

286 Views

ISANG kasaysayan kung ituring ng mga taga-San Nicolas, Pangasinan ang ginawang pangangampanya roon ni vice presidential frontrunner Davao City Mayor Sara Duterte.

Ayon kay come-backing congresswoman Marlyn Primicias-Agabas walang national candidate na nagtungo sa bayan ng San Nicolas sa malapit na kasaysayan.

“Sa bayan po ng san nicolas, ito po ay isang kasaysayan. Never in the history, sa aking pagkaka alam sa bayan ng san nicolas na nagkaroon po ng ganitong rally ng national,” sabi ni Primicias-Agabas.

Sinabi ni Primicias-Agabas na hindi makakalimutan ng kanilang bayan ang pagbisita ni Duterte na tiniyak nito na kanilang iboboto kasama ng nasasakupan ng ika-anim na distrito ng Pangasinan.

“Sa ngalan po ng ika anim na distrito pabaon po namin sa inyo ang isang dasal ng tagumpay bilang bise presidente ng Pilipinas,” dagdag pa ni Primicias-Agabas.

Nagpasalamat naman si Duterte sa pagsuporta sa kanyang kandidatura at susuklian umano niya ito ng mahusay na pagseserbisyo at pagsulong sa kanilang mga pangangailangan gaya ng de kalidad na edukasyon, kaayusan, at mapapasukang trabaho.

“Nagpapasalamat po ako sa oras at oportunidad na ibinigay ninyo sa akin ngayong araw na ito. Kahit na umuulan ay nandito po kayo para mag-welcome sa amin,” sabi ni Duterte.

Ang Pangasinan ay mayroong 2.09 milyong botante, batay sa datos ng Commission on Elections (Comelec).