Jesus

Panginoon, nag-aalay kami ng dasal para sa aming bansa

59 Views

PANGINOON naming Diyos, sa pagsisimula ngayon ng bagong araw, dalangin namin ang kapayapaan at kaayusan para sa aming bansa, kasabay ng aming taos pusong panalangin para sa aming mga kababayan at kapatid sa pananampalataya upang sila ay inyong gabayan, ingatan at mailayo sa mabibigat na pagsubok.

Taos puso din kaming nag-aalay ng dasal para sa mga ordinaryong mamamayan na patuloy na nagsisikap at nagtitiis sa kabila ng kahirapang kanilang binabalikat sa buhay.

Panginoong Jesus, gabayan, patnubayan at pagpalain niyo po nawa si Manong na nagtutulak ng kariton na walang sawang nagsisikap sa araw-araw niyang pakikibaka sa buhay at buong tatag na nakikihamok sa kahirapan para matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga mahal sa buhay nang walang inaagrabyado at pine-perwisyong tao.

Gayundin po si Manang na nagtitinda ng kakanin na sa kabila ng kahirapan ay lumalaban ng parehas. Silang lahat Panginoong naming Diyos, ay inyong gabayan at tulungan upang sa kabila ng kahirapan ay manatiling nananalig sa inyo at gumagawa ng kabutihan kahit sila ay nasa kahirapan.

Ito ang aming samo’t dalangin sa ngalan ng aming Diyos na si HesuKristo.

AMEN

Ni Bro. Marianito Rodriguez, O.P. Lay Dominican