Calendar
Paninindigan ni Speaker Romualdez na sibakin hepe ng OTS sinaluduhan ni Valeriano
PINAPURIHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang paninindihan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez matapos nitong ipahayag na dapat sibakin sa puwesto ang hepe ng Office of Transport Security (OTS) na si Administrator Mao Aplasca.
Sinabi ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kahanga-hanga ang naging pagkilos at pahayag ni Speaker Romualdez sapagkat ipinakita aniya nito ang kaniyang paninindigan laban sa talamak at pauli-ulit na insidente ng corruption sa loob ng OTS.
Binigyang diin ni Valeriano na sinusuportahan nito ang paninindigan ng House Speaker na huwag bigyan ng budget ang OTS para sa susunod na taon (2024) bunsod panibagong eskandalo at kontrobersiya na kinasasangkutan mismo ng 28 taong gulang na contractual employee ng nasabing tanggapan.
“Saludo ako kay Speaker Martin Romualdez sa ipinakita niyang paninindigan laban sa corruption sa loob ng OTS sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng budget sa ahensiya. Kung kailangan i-privatize ang OTS upang malinis ang opisinang ito. Gawin natin, Talamak at walang patid ang anomalya sa NAIA. I join the Speaker in his call for the OTS Chief to resign. The sooner, the better,” ayon kay Valeriano.
Naunang ipinahayag ni Speaker Romualdez na dapat sibakin sa puwesto si Aplasca matapos itong mabigong mapahinto ang sunod-sunod na katiwalian o lantarang pagnanakaw sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kinasasangkutan mismo ng kaniyang mga sariling tauhan.
Dahil dito, nagbabala ang House Speaker na hindi ipapasa ng Kamara de Representantes ang budget ng OTS hangga’t hindi siya nagbibitiw sa puwesto bunsod ng pinaniniwalaang pangungunsinte umano ni Aplasca sa ilang tiwaling tauhan ng kaniyang tanggapan na nasangkot sa pagnanakaw.
“I am advising the OTS Chief: Submit your courtesy resignation before the House of Representatives tackles the budget of your office. Mag-resign ka na. Hing hindi ka magsa-submit ng resignation, ako mismo ang magba-block ng approval ng budget ng OTS,” babala ni Speaker Romualdez kay Aplasca.