Calendar

Panukala ni Gatchalian: Palawakin proseso ng alcohol denaturing para sa suporta sa industriya
LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang batas ni Senador Sherwin Gatchalian na layong baguhin ang National Internal Revenue Code upang payagan ang pag-denature ng imported na ethyl alcohol sa loob ng bansa.
Sa kasalukuyang batas, tanging lokal na gawa na ethyl alcohol lamang ang maaaring i-denature—o haluan ng kemikal upang hindi ito mainom.
Dahil dito, limitado ang suplay para sa mga industriya gaya ng personal care, paglilinis, at kalusugan na gumagamit ng denatured alcohol sa kanilang mga produkto.
Sa panukalang ito, papayagan na ring i-denature ang imported alcohol sa Pilipinas at hindi na papatawan ng excise tax.
“Oras na maisabatas, ito ay magpapahintulot sa mga mahahalagang sektor na makakuha ng mga materyales nang mas episyente, mabawasan ang gastos sa produksyon, at manatiling competitive,” ani Gatchalian, na pinamumunuan ang Senate Committee on Ways and Means.
Layon ng hakbang na mapababa ang production cost ng mga kumpanyang umaasa sa alcohol para sa non-beverage use.
Sunod na ihahain ang panukala sa House of Representatives para sa karagdagang talakayan.