BBM

Panukalang batas ni Miriam Santiago na pandemic preparedness isusulong ni Marcos

390 Views

KASABAY ng humihinang pandemya na nagbibigay ng pag-asa para muling makabangon ang bansa sa bangungot na dulot ng Covid19, sinabi ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. nitong Huwebes na kailangang isulong at maisabatas na ang pandemic preparedness bill na unang inihain ni dating senador Miriam Santiago ilang taon na ang nakakaraan.

Ipinaliwanag ni Marcos na ang hakbang ay upang matiyak na maging handa ang bansa sa anumang health issues gaano man ito kalala at na maaaring makaapekto sa public health system sa hinaharap na panahon.

Si Santiago na tumakbong presidente at katambal ni Marcos noong halalan 2016, ay nagsumite ng Senate Bill No. 1573, o ang Pandemic and All-Hazards Preparedness Act sa kasagsagan ng Middle East Respiratory Syndrome (MERS-COV) outbreak noong 2013.

Ang panukalang batas ay nanawagan para sa paglikha ng isang national health strategy sakaling magkaroon ng pandemya, national emergencies at naglalayon na palakasin ang national response at paghahanda para sa public health emergencies katulad ng natural disaster at masamang panahon, pandemya, bioterrorism, mass casualties, chemical emergencies, at radiation emergencies.

“Kahanga-hanga ang kanyang foresight. Ilang taon bago mangyari ay nakita na niya ito, sayang at hindi ito naging batas. Subalit kung ako ay papalaring mahalal ay isusulong ko na muli itong pag-aralan at tuluyang isabatas upang maging handa tayo sa anumang darating na mga problemang pangkalusugan,” sabi Marcos.

Naisipan ni Santiago na magpasa ng bill pagkatapos ng MERS-COV, isang coronavirus strain na mas nakamamatay kumpara sa paglaganap ng 2002 SARS, na tinamaan ang maraming bansa sa Middle East.

Sa kasamaang palad, ang panukala ni Santiago na maaari sanang naging preventive measure kung naisabatas lamang ay hindi binigyang pansin ng kanyang mga dating kasamahan sa Senado.

Ayon sa official Senate website, ang bill ni Santiago sana ang magreresolba sa problemang nararanasan ng gobyerno tungkol sa pandemya.

“Hindi na tayo makakapayag na malito at magkagulo ang pamahalaan dahil sa kawalan ng direksyon at koordinasyon ng iba’t-ibang sangay. Ang nangyari ay nagkanya-kanya ang mga ahensya ng pamahalaan at mga local government units kaya lalong lumala ang problema,” saad ni Marcos.

Sinabi niya na ang gobyerno ay dapat handa at mabilis magresponde sa mga ganitong sitwasyon, at ang panukalang batas ni Santiago ang may maayos na blueprint para sa “effective emergency response.”

“Nais nating lumikha ang Kagawaran ng Kalusugan ng isang istratehiya kung paano lalabanan ang pandemic at siya na rin ang magiging lead agency na mangangasiwa upang bigyan ng direksyon ang ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Interior and Local Government, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, at kahit ang Red Cross,” paliwanag ni Marcos.

Dagdag pa niya na ang bill ni Santiago ay naghihimok din na magkaroon ng emergency fund kada taon para sa pandemic at iba pang pangyayaring hindi inaasahan.

“Kung may nakalaan na pondo para dito, hindi na kailangan pa na mag-realign at mag-reallocate ng budget at sa unang banta pa lamang ng pandemya ay naroon na agad ang pamahalaan para tumugon,” dagdag pa niya.