Calendar
Panukalang batas ni Romero tutugon sa problema ng food security sa bansa
KASABAY ng pagdiriwang ng National Nutrition Month. Inihayag ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na makakatulong ang inakda nitong House Bill No. 3158 para tugunan ang problema ng kagutuman at malnutrition at matamo ang “zero hunger” sa bansa.
Ipinaliwanag ni Romero na ang problema ng malnutrition ay nananatili bilang isang seryosong problema sa bansa. Kaya bilang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, tungkulin umano niya na hanapan ng solusyon ang nasabing problema para sa kapakanan ng mahihirap na pamilya.
Dahil dito, sinabi ni Romero na nakapaloob sa kaniyang panukalang batas, pumasa na sa 1st Regular Session ng Kamara de Representantes, ang pagkakaroon ng livelihood at employment assistance para matulungan ang mga mahihirap na mamamayan upang makahanap ng trabaho at kabuhayan.
Ayon kay Romero, ang pangunahing dahilan kung bakit laganap ang kagutuman at malnutrition sa Pilipinas, kabilang na ang kakulangan ng sapat at masustansiyang pagkain ay dahil na rin sa kawalan ng trabaho at kabuhayan ng mga mahihirap na mamamayan para makabili ng kanilang pagkain.
Nabatid pa sa kongresista na nakapaloob din sa House Bill No. 3158 ang pagkakaloob ng P3,000 cash voucher para makabili ang mga indigent Filipinos ng nutritional goods o mga masusustansiyang pagkain.
Sinusuportahan din ni Romero ang House Bill No. 2189 na isinulong naman ni Anakalusugan Party List Congressman Ray T. Reyes na naglalayong tugunan ang kagutuman at malnutrition sa Pilipinas.