Calendar

Panukalang unemployment insurance bill isusulong ng 1-TAHANAN Party List sa 20th Congress
INIHAYAG ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado na ang isa sa mga issues na tututukan nito sa napipintong pagpasok ng 20th Congress ay ang pagsusulong ng “unemployment insurance” bill para sa mga Pilipinong walang trabaho.
Ipinaliwanag ni Oducado na gagawin nitong priority ang paghahain ng panukalang batas kaugnay sa “unemployment insurance” kung saan ang pangunahing layunin nito ay mapagkalooban ng financial assistance ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho.
Sinabi ng neophyte congressman na napakahalaga na magkaroon ng programa sa pamamagitan ng kaniyang isusulong na panukalang batas upang matulungan ang mga mahihirap na mamamayan na maitawid ang kailang pang-araw araw na gastusin.
“Nakita po namin na kailangang magkaroon ng programa para matulungan ang ating mga mahihirap na kababayan lalo na ang mga Pilipinong nawalan ng trabaho na kahit mahal ang mga bilihin ay makakaraos sila. Isa sa mga nakita natin na solusyon ay ang paghahain ng unemployment insurance bill,” ayon kay Oducado.
Ipinahayag pa ni Oducado na ang kaniyang panukala ay halaw sa alituntuning ipinapatupad sa iba’t-ibang mga bansa kung saan tinutulungan ng isang pamahalaan ang kanilang mamamayan na nawalan ng trabaho para maitawid ang mga gastusin nito.
“Ang unemployment insurance bill ay nilalayon na kapag ang isang tao na nawalan ng trabaho ay mayroon silang pantawid sa kanilang pang-araw araw na gastusin in the next three months. Sa ibang bansa ay mayroong ganitong programa,” dagdag pa ng kongresista.
Bukod dito, tiniyak din ni Oducado na ang ilan pa sa panukalang kaniyang isusulong sa Kamara de Representantes ay ang pagkakaroon ng abot kayang pabahay sa pamamagitan ng walang down payment para matiyak na ang bawat Pilipino ay magkakaroon ng kanilang sariling tahanan. Kabilang na dito ang libreng pagpapagamot.