Calendar

Parak hawak na 2 POI sa Boracay rape-slay
DALAWANG suspek o persons of interest (POIs) sa rape-killing ng 23-anyos na Slovenian na babae sa Boracay ang hawak na ng mga pulis, ayon sa isang opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Isinasailalim na sa interogasyon ang dalawang POIs sa kaso ng biktimang si Michaela Mickova, ayon sa source.
Napag-alaman din ng People’s Tonight na lumabas sa examinasyon ng PNP Forensic Group na hinalay din ang biktima.
Ang katawan ng biktima natagpuan bandang alas-2:19 ng hapon noong Marso 12 sa loob ng chapel ng isang abandonadong resort sa Zone 3, Sitio Pinaungon sa Brgy. Balabag, Malay, Aklan.
Nang matagpuan, nakatihaya at nakabuka ang dalawang hita ng biktima.
Wala din siyang panty at nakataas ang kanyang pang-itaas na damit. Ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay hindi pa ipinapahayag ng pulisya.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumating si Mickova sa Boracay noong Marso 1 para dumalo sa kasal ng isang kaibigan niyang Pilipina at isang dayuhan.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-6, ang Slovenian napilitang pumunta sa bansa na nag-iisa dahil ang kanyang boyfriend na Egyptian na kaibigan din ng groom hindi nabigyan ng Philippine visa.
Ang Pinay na kaibigan ni Mickova ang nag-ulat na nawawala na ang Slovenia noong Marso 10 matapos na mabigo itong sagutin ang kanyang mga tawag sa cellphone.
Ang biktima ay natagpuan sa chapel ng inabandonang Pearl of the Pacific Hotel sa Sitio Pinaungon na halos isang kilometro ang layo mula sa kanyang tinutuluyang hotel.
Isang residente na hindi na matiis ang masangsang na amoy na nanggagaling sa abandonadong establishment ang nakadiskubre sa katawan ng biktima.
Kinumpirma ni PRO-6 director Brigadier General Jack Wanky na kasalukuyan ngang iniimbestigahan ang dalawang POIs sa rape-slay case.
Hindi pinangalanan ang dalawa pero sinabing residente ng lugar ang dalawa.
“Apparently, she met these two persons while in the island,” sinabi ng opisyal. Kinukunsidera ng local police ang anggulong robbery at rape sa pagpatay sa dayuhan.
“This is not common, and it’s the first case of its kind recorded by Boracay police.
We assure the public that Boracay Island remains a safe and secure destination, with law enforcement authorities committed to maintaining peace and order,” sinabi ni Gen. Wanky.
Bago nadiskubre ang katawan ng biktima, may alok na P50,000 reward para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng nawawalang dayuhan.