Suspek

Parak-QC nahuli suspek sa pagkatsugi ng babae

24 Views

NAARESTO ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril at pagpatay ng babae sa Brgy. Baesa, Quezon City noong Hulyo 7.

Kinilala ni P/Lt. Col. Von Alejandrino, hepe ng Talipapa Police Station 2, ang suspek na si alyas Jofher na umano’y bumaril kay alyas Ariane.

Base sa imbestigasyon, nilapitan umano ng suspek ang biktima sa kanto ng Sitio Mendez at G.K. Pajo Sts. at ilang beses itong pinaputukan sa hindi pa alam na dahilan.

Tinangka pang tumakas ng suspek sakay ng motorsiklo ngunit pumalya ito kaya iniwan ang motorsiklo.

Sapilitan umanong inagaw ng suspek ang motorsiklo ng isang paparating na rider sa pamamagitan ng pagtutok ng baril at doon nakatakas.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang .45-caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen at ang inabandonang motorsiklo ng suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder at paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang suspek na sangkot sa krimen.