Calendar

Parak tiklo sa loob ng 2 minuto matapos magpaputok sa binyagan
DAVAO CITY – Naaresto ng mga pulis ng Davao City sa loob lamang ng dalawang minuto ang isang lasing na pulis na umano’y nagpaputok ng kanyang baril sa gitna ng isang binyagan nitong Linggo ng gabi. Napakabilis ng aksyon ng mga rumespondeng pulis na higit pa sa itinakdang Five-Minute Response Time ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III.
Kinilala ang naarestong pulis na si Police Senior Staff Sergeant Junie Cabaylo, nakatalaga sa Davao City Police Station 10 sa Calinan District. Siya ay kasalukuyang nahaharap sa kasong kriminal at administratibo dahil sa grave misconduct, ayon sa ulat kay PRO-11 Director, Brig. Gen. Leon Victor Z. Rosete.
Ayon kay Davao City Police Director Col. Hansel M. Marantan, naganap ang insidente bandang alas-8 ng gabi sa Bompat Compound, Purok 5-A, Barangay Los Amigos, Tugbok District.
Sa imbestigasyon, dumalo si Cabaylo sa isang binyagan kung saan nauwi sa inuman ang kasiyahan. Nagkaroon siya ng alitan sa ilang bisita. Bagaman naawat siya ng mga naroon, bigla umano siyang bumunot ng baril at nagpaputok sa lupa na naging sanhi ng takot at pagkakagulo.
Agad tumawag ang isang concerned citizen sa PS10. Pinangunahan ni Major Paul Michael Neffe ang responde, at sa loob ng dalawang minuto, naaresto at nakuha kay Cabaylo ang kanyang PNP-issued na 9mm pistol na may 10 live rounds.
“Nakamit natin ang 2-minute response time sa insidenteng ito. Ngayon ay inihahanda na ang mga kasong kriminal at administratibo laban sa suspek,” pahayag ni Col. Marantan.
Posibleng kasuhan si Cabaylo ng grave threats kung mapatunayang ginamit niya ang baril upang takutin ang mga bisita. Kinakailangan lang ng pormal na salaysay mula sa mga complainant.
Bukod sa kasong kriminal, sasampahan din siya ng administrative case for grave misconduct, na maaring humantong sa kanyang pagkatanggal sa serbisyo.
Dagdag pa ni Col. Marantan, isasailalim din sa drug test ang suspek bilang bahagi ng routine policy. Kung magpositibo ito, may karagdagang kasong isasampa laban sa kanya.
Sine-secure na rin ng mga awtoridad ang rekord ni Cabaylo sa PNP Firearms and Explosives Office at inirerekomenda ang pagbawi ng kanyang License to Own and Possess Firearm (LTOPF) at iba pang permits.
Samantala, patuloy na sinusuri ni PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre III ang kahandaan ng kanyang mga tauhan sa pagpapatupad ng 5-Minute Response Time, partikular sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean S. Fajardo, nais ng hepe na tiyaking mahusay sa paggamit ng police radios ang kanyang mga tauhan upang matugunan agad ang mga 911 calls.
Nagbigay din ng mensahe si Gen. Torre sa publiko:
“’Wag nyo na kaming hanapin sa mga presinto. Kami ay nasa inyong telepono. Dial 911—darating kami sa loob ng limang minuto. This is our commitment. This is our service in action.”
PNA