Calendar
Parang di ka babayaran
ARESTADO ang 23-anyos na mangingisda nang tutukan ng baril at pagbantaang patayin ang negosyanteng ginang Huwebes ng umaga sa Navotas City.
Nakahingi naman kaagad ng tulong ang 40-anyos na biktima sa mga nagpapatrulyang tauhan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na nakilala sa alyas “Rommel”.
Batay sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Arnold Abad, nagtungo ang ginang sa bahay ni alyas Rommel sa Brgy. Tanza Dos pasado alas-6 ng umaga upang pakiusapan ang suspek na bayaran na ang kanyang pagkakautang.
Sa halip magbayad, sinabi ng ginang na bumunot ng baril ang suspek, minura at pinagbantaan siyang papatayin. “Pu—ina mo, puro ka singil ng utang ah, gusto mo patayin na kita? Parang hindi ka babayaran,” pagbabanta umano ng suspek.
Sa labis na takot, nagtatakbo ang biktima hanggang makahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Patrol Base 1 ng Navotas Police Station na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha sa kanya ang isang paltik na baril na may kargang isang bala ng kalibre .38 na walang kaukulang liseniya o dokumento.
Ipaghaharap ng reklamong grave threats sa ilalim ng Article 282 ng Kodigo Penal at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

