Parusa sa mga tindero na nagtatas ng presyo ng kanilang produkto sa panahon ng kalamidad isinulong

Mar Rodriguez Dec 28, 2022
254 Views

NAIS ng isang Northern Luzon congressman na lalo pang pagtibayin at magkaroon ng “ngipin” ang Republic Act No. 7581 o ang “Price Control Act of 1992” laban naman sa mga mapag-samantalang tindero na nagtataas sa presyo ng kanilang mga produkto sa panahon ng kalamidad.

Isinulong ni Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V ang House Bill No. 1143 sa Kamara para amiyendahan ang RA No. 7581 upang mapasama sa “price control” ang facemask, disinfectants, hand sanitizers, rubbing alcohol at iba pa sa panahon ng pandemiya.

Ipinaliwanag ni Dy na hindi kasama sa RA No. 7581 ang mga nabanggit na ítems sapagkat ang nakapaloob lamang sa nasabing batas ay ang mga tinatawag na “basic necessities” na hindi maaaring itaas ang presyo sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo.

Sa ilalim ng RA No. 7581, papatawan ng parusa o mahaharap sa kasong kriminal ang sinomang nagtitinda o tindero ng “basic necessities” tulad ng mga pagkain at iba pang pangangailangan na magsasamantala at magtataas ng kanilang presyo sa panahon ng kalamidad.

Gayunman, binigyang diin ni Dy na hindi nakapaloob dito ang facemask, face shield, had sanitizer, rubbing alcohol at iba pang gamit. Kung kaya’t noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay sinamantala ng husto ng mga tusong negosyante ang pagkakataon para sila kumita.

Ayon sa kongresista, maraming ganid at tusong tindero ang pinagkakitaan ng husto ang pandemiya. Kung saan, ang N95 facemask na nabibili lamang ng P25.00 kada piraso ay ibinebenta ng mga ito sa halagang P200.00 na 80% mataas sa dati nitong halaga.

Sinabi ni Dy na upang hindi na maulit ang ganitong masamang kalakaran noong panahon ng pandemiya. Layunin ng kaniyang panukalang na amiyendahan ang RA No. 7581 para parusahan din ang mga tusong negosyante na nasasamantala sa panahon ng pandemiya.