Guo

Pasya ng Senado na isyuhan ng warrant of arrest si Guo, ipaaresto tagumpay ng Pilipino

101 Views

TAGUMPAY para sa mga Pilipino.”

Ganito inilarawan ng mga senador ang pasya ng Senado na isyuhan ng warrant of arrest at ikulong ang suspendidong Mayor ng Bamban Tarlac na si Mayor Alice Leal Guo at ang pito pang indibidwal na umano’y sangkot sa operasyon ng POGO.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, ngayon na pormal na ang pag isyu ng warrant of arrest kay Mayor Guo mananagot na sa batas ang mayor.

“Sa dami ng kasinungalingan at posibleng krimen ni Mayor Alice at ng lahat ng sangkot sa POGO, this is not merely procedural. This arrest order upholds the mandate of the Senate to safeguard the well-being of Filipinos,” sabi ng senadora.

Nagpasalamat si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga taong tumulong at nakibahagi sa pag usisa ng katotohanan upang maalisan ng maskara si Alice Guo aka Guo Hua Ping.

“Pirmado na ang arrest order at aarestuhin ng Senae Sergeant-At-Arms within 24 hours si Alice Guo aka Guo Hua Ping at ang kanyang mga kasamahan. Maraming salamt po sa ating mga kapwa mambabatas,” ani Gatchalian.

Mismong ang abogado ni Guo na si Atty. Stephen David ang nagsabing hindi niya maintindihan kung bakit paulit-ulit pang iniimbitahan ang kanyang kliyente samantala nasabi na nito lahat ng kanyang dapat sabihin sa mga nagdaang pagdinig.

Sinagot ni Hontiveros ang mga patutsada ng abogado ni Mayor Guo sa pagsabing ang lahat ng kanyang dinadanas bunga ng mga tahi-tahing kasinungalingan niya na ginawa sa taumbayan.

“Mahirap po talaga ang magsinungaling. But she is entitled to defend herself before the proper court regardless of one’s personality.

She is entitled to that kahit hindi siya Pilipino may karapatan pa rin si Mayor Guo na dumulog sa Supreme Court. We await a copy of their petition,” ani Hontiveros.

Bukod kay Mayor Guo, nahaharap din sa warrant of arrest ang kanyang tunay na ama, tunay na ina at mga kapatid gayunding ang mga kasosyo sa negosyoo at accountant na sina Nancy Gamo, Dennis Cunanan, na dating Technology and Livelihood Resource Center director, na pare- parehong hindi rin sumipot sa dalawang magkasunod na pagdinig.

Pormal na pinirmahan ni Hontiveros at inaprubahan ni Senate President Francis Escudero ang warrant of arrest.

Ilan sa mga kasong kinakaharap ni Mayor Guo ang kontrobersiya sa operasyon ng ilegal na POGO hubs na ni-raid sa Bamban, Tarlac, ang kanyang kwestionableng citizenship, na mas lumala matapos patunayan ng National Bureau of Investigation na si Alice Leal Guo at si Guo Hua Ping positibong iisang tao lamang na may iisang fingerprints.