Gatchalian

Patuloy na red, yellow alerts sa suplay ng enerhiya imbestigahan—Gatchalian

95 Views

NAIS ni Senador Sherwin Win Gatchalian na imbestigahan ang patuloy na red at yellow alerts kaugnay sa kakulangan ng suplay ng enerhiya na maaring gamitin ng grid sa gitna ng mas mainit na panahon dulot ng El Niño.

“Ang patuloy na problema ng kakulangan sa suplay ng kuryente na dinaranas ng mga Pilipino ay nangangailangan ng komprehensibong solusyon mula sa lahat ng kalahok sa industriya ng kuryente,” ang sabi ng Senador kasunod ng inihain niyang Proposed Senate Resolution No. 1018.

Binigyang-diin ng vice chairperson ng Senate Committee on Energy na ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC), bilang mga pangunahing regulator ng electric power industry, ay dapat manguna sa mga konkretong aksyon na dapat gawin ng lahat ng stakeholder upang matugunan ang kakulangan sa suplay para sa short, medium at long-term na mga solusyon.

Ang mga naturang solusyon ay dapat magsama ng mga hakbang upang matiyak na ang mga generation companies ay sumusunod sa pinakamataas na pamantayan, kasanayan, at pamamaraan na karaniwang sinusunod o aprubado ng mga industriya ng kuryente kabilang ang reliability index ng ERC, sabi ni Gatchalian.

Maaari ring isama sa mga solusyon ang pagpapatupad ng Republic Act 11258, o ang Energy Efficiency and Conservation Act, giit niya.

Ani Gatchalian, mula noong Abril 16, ang mga babala ng yellow alert para sa 48 interval hours at mga babala ng red alert para sa 34 interval hours ay inilabas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), na nagpapahiwatig ng pagnipis ng mga reserba o hindi sapat na suplay ng kuryente kumpara sa demand ng grid.

Ang pagpapalabas ng mga naturang alert warning ay sanhi ng forced outages ng 44 generation units, 21 dito ay hydropower plants na hindi na gumagana dahil sa mababang lebel ng tubig dulot ng El Niño. Mayroon ding 14 na generation unit sa buong bansa ang pinapatakbo ng may mas mababang kapasidad dahil sa mababang suplay ng tubig, mahinang kalidad ng coal, at mga isyu sa suplay ng gas.

Ang mga kondisyong ito ay humantong sa pagkawala ng higit sa 2000 megawatts (MW) na kuryente, na nagdulot ng power interruption sa 12 franchise areas pati na rin ang 35% na pagtaas sa average na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa Luzon grid, na tumaas sa P8.51 kada kilowatt hour (kWh) mula sa 6.30 kWh noong nakaraang linggo. Ang average na presyo naman ng WESM sa Visayas grid ay tumaas ng 13% sa P9.02 kWh mula sa P7.98 kWh noong nakaraang linggo, aniya.

“Hindi na bago sa atin ang epekto ng El Niño. Hindi tayo dapat magtiis lamang sa mga ura-uradang solusyon tuwing magkakaroon tayo ng pagtaas sa demand dahil sa problem na dulot ng paiba-ibang panahon,” pagtatapos ng senador.