Quiboloy

Payo ni Marcos kay Quiboloy: Magpakita ka sa Kongreso

Chona Yu Feb 28, 2024
185 Views

SUMIPOT ka sa pagdinig ng Kamara at Senado.

Payo ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Pangulong Marcos, mas makabubuting harapin na niya ang imbestigasyon ng Kamara at Senado para masagot ang mga alegasyon laban sa kanya.

Parehong nagpalabas na ng subpoena ang Kamara at Senado laban kay Quiboloy kaugnay sa mga kasong sexual abuse at prangkisa ng Sonshine Media Network Incorporated.

“Well, I would just advise him that just kung mayroon naman siyang sasabihin, if— he has an opportunity in the hearings both in the House and in the Senate to say his side of the story. Kaya po sinasabi niya, hindi totoo lahat ‘yan, hindi totoo, walang nangyaring ganiyan, ‘di sabihin niya,” pahayag ni Pangulong Marcos sa ambush interview bago tumulak patungong Canberra, Australia para magsalita sa Parliament doon.

“At pagka ganito, ano nangyayari diyan, hindi siya sisipot. Pag hindi siya sumipot baka ma contempt siya, oh tapos, tuloy-tuloy. Ay, naku. Eh mas malaking gulo. Kung makapunta siya, sagutin niya lahat ng tanong, ‘di tapos na. That’s why my advice for him is to just face the questioning in the House and in the Senate. Marinig natin ang kaniyang side para malaman natin kung ano ba talagang nangyayari dito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na pinagsusumikapan ng gobyerno na maging patas kay Quiboloy.

“We’re trying to be fair here and allowing him, an opportunity and fora to make his case. So, I think he should take advantage of that,” pahayag ni Pangulong Marcos.