Calendar
Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
PBBM apektado sa kinakaharap ni Bong Revilla — PCO

IKINALUNGKOT ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang paglalabas ng arrest warrant ng Sandiganbayan laban sa kaibigang si dating Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. kaugnay ng malversation case na nag-ugat sa diumano’y pagkakasangkot nito sa maanomalyang P92.8-milyong infrastructure project sa Pandi, Bulacan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro, apektado si PBBM sa kinakaharap na kaso ng dating senador.
Nakausap ni USEC. Castro si PBBM tungkol sa pagsuko ni Revilla sa CIDG.
“Natanong natin kanina ang Pangulo noong tayo ay nagkaroon ng meeting with him.
“Tinanong ko siya kung ano ang nararamdaman niya, sabi niya, malungkot siya dahil nakasama niya ito sa alyansa at kaibigan niya si Sen. Bong Revilla,” pahayag ni Castro.
“Pero ganoon pa man, proseso pa rin ang mananaig. ‘Yun na lamang po. Kailangan pong pagdaanan ito dahil may proseso.
“Still, sinabi po niya (PBBM) na malungkot po siya sa nangyari,” dagdag ng opisyal.
Kusang sumuko ang action star at pulitiko sa PNP- Crimimal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Lunes at dinala sa Sandiganbayan Third Division kinabukasan.
Samantala, naglagak ng P90,000 piyansa si Bong sa Fourth Division Clerk of Court nitong Martes ng hapon, January 20, para sa kasong graft.
Gayunman, non-bailable ang kasong malversation na kadikit ng ipinataw sa kanyang kaso.
At dahil dito, hindi pa rin makalalaya kahit pansamantala ang dating senador. Ayon sa kautusang inilabas ng Sandiganbayan Third Division, mananatiling nakakulong si Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas kasama ang anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap din sa kaparehong mga kaso.
Marami namang naniniwala na walang kasalanan ang dating senador. May mga supporter na sumugod sa Sandiganbayan upang iprotesta ang naturang kaso. Humihingi naman ng dasal ang pamilya ng aktor, lalo na ang kanyang misis na si Cong. Lani Mercado.
Nanawagan naman ng patas na pagtingin ang publiko at awtoridad si Cong. Jolo Revilla sa kinahaharap ng ama. Ang kusang pagsuko nito, aniya ay isang pagpapakita na handa nitong harapin nang patas ang ibinibintang sa kanya.
“Hindi ito pag-iwas, kundi pagharap. He believes that the proper place to resolve these issues is inside the courtroom, where facts matter and the law speaks louder than speculation,” ayon kay Jolo.

