Willie Willie Revillame

Willie sinagot isyu ng pagbebenta ng mga ari-arian, at ang nangyari sa relasyon kay Sugar

Eugene Asis Jan 22, 2026
210 Views
Sugar
Sugar Mercado at Willie Revillame

SA launching ng bago niyang game show, ang “Wilyonaryo” nitong nagdaang January 20 na ginanap sa Seda Hotel sa Quezon City, naging mas bukas si Willie Revillame sa mga tanong ng mga taga-media na naimbitahan doon.

“First time kong nagpa-presscon sa buhay ko, kaya sasagutin ko lahat ang mga tanong n’yo, kahit personal,” paniguro ni Willie o Kuya Wil sa kanyang mga tagasubaybay.

Kaya naman, naging ‘matapang’ ang mga tanong sa kanya. Isa ay ang tungkol sa naglabasang balita sa social media na naghihirap na raw siya matapos niyang magbenta ng ilan sa kanyang mga ari-arian matapos matalo sa eleksyon. Aniya, fake news ang lahat ng ito.

“Hindi totoo yun, eh. Minsan natatawa na lang ako eh or kung saan nila kinukuha yun. Hindi mo alam kung kino-content ka lang or may galit sa ‘yo.

“Ganito lang yun, eh. Kung meron kang property na may nagkagusto at kikita ka ng doble, hindi mo ba ibebenta? So, mag-i-invest ka uli,” paliwanag ni Kuya Wil.

Pagpapatuloy pa niya, “May resort ako sa Puerto Galera. May pinapaganda ako roon na high-end hotel. Meron akong biniling dalawang floor sa isang penthouse sa BGC. Buong floor hindi lang isang unit. May 800 square meters each.

“May binili rin akong apat na unit sa isang condominium sa tapat ng mall sa BGC,” tuluy-tuloy niyang paglalahad tungkol sa kanyang properties.

“Isa lang ang naibenta kong property sa Tagaytay kasi sobrang laki. Hindi ko na rin maasikaso. May tatlo akong chopper. May yate pa rin ako na binili ko ng $10 million or P580 million.

“Ayoko na sanang sabihin ito baka sabihin ninyo nagyayabang ako. Kaso gusto kong sabihin na hindi naman ako naghihirap. Pinaghirapan ko ang mga ito,” aniya.

“Kaya pinasasalamatan ko ang ABS-CBN, TV5, GMA, at ALLTV. Lahat ng ito ay buong loob na tinulungan ako. Pero siyempre ang pinakaimportante sa lahat ay yung mga tao na sumuporta sa lahat ng programa ko.

Sinagot din ng beteranong TV host ang tungkol sa naging relasyon niya sa dating Sexbomb dancer at co-host na si Sugar Mercado. Nagsalita na ang huli tungkol sa pitong taon nilang relasyon ni Willie sa isang vlog ni Ogie Diaz at patotoo na lang ni Willie ang kulang. “Oo, totoo yun,” aniya.

Ang totoo, nami-miss na niya ang mga anak ni Sugar at ang mga panahong kanilang pinagsamahan. Minsan, siya (Willie) pa raw ang nagbo-blow dry ng buhok ng mga ito.

“Napamahal na sa akin mga anak ni Sugar, parang naging mga anak ko na rin sila. Kasi hindi ko naman nakakasama mga anak ko, du’n ako nabaling, sa mga anak niya,” ayon kay Willie.

“‘Yun bang nangulila ako sa mga anak parang ganun. Hindi naman mga selosa ang mga anak ko, kasi nakita nila na naging masaya ako. Naging fair naman ako sa kanilang lahat,”paliwanag pa niya.

Nag-break sila ni Sugar dahil hindi raw talaga sila para sa isa’t isa. At magiging unfair na rin kay Sugar kung magpapatuloy pa sila.

“Hoy, yung tungkol sa game show ang isulat nyo,” paalala niya sa media people habang tumatawa.

Samantala, mapapanood na ang “Wilyonaryo” simula sa January 25 (dalawang araw bago ang kanyang 65th birthday) sa website na wilyonaryo.com. Doon malalaman ang mechamics kung paano manalo ng isang milyon at higit pa.