Angeles1

PBBM bibigyang prayoridad problema sa suplay ng pagkain

249 Views

GAYA ng kanyang ipinangako noong halalan, tututukan umano ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang sektor ng agrikultura upang matugunan ang naka-ambang krisis sa pagkain.

Ayon kay Press Secretary-designate Atty. Trixie Cruz-Angeles ang patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic, pabago-bagong panahon, krisis sa ekonomiya, armadong sigalot, pagsipa ng presyo ng langis at enerhiya, pambansang utang, at mga suliranin sa pandaigdigang supply chain dulot ng gyera sa Ukraine ay ang mga nakikitang dahilan kung bakit magkakaproblema sa suplay ng pagkain ngayon.

“Magiging hamon para sa atin ang export restrictions, lalo’t sa ngayon nag-aangkat pa rin tayo ng pagkain, kabilang ang bigas. Gaya ng nasabi na ni President-elect Marcos, mangangailangan yan ng agarang tugon, at dapat agaran ding simulan ang pangmatagalang mga solusyon,” sabi ni Angeles.

Noong kampanya, binigyan-diin ni Marcos ang kahalagahan ng malinaw na plano para sa seguridad sa pagkain, at kalauna’y “food sovereignty” — ang pagbabalik ng kontrol sa kamay ng komunidad at mga mamamayan; direktang pakikipag-usap at transaksyon ng mga magsasaka sa mga mamimili at paglilimita sa mga tao sa value chain; pagpapatupad ng subsidy; paglilimita sa importasyon; paggamit ng makabagong teknolohiya; at pagbibigay ng insentibo sa research at development.

Inamin naman ni Marcos na malaking hamon ang kinakaharap na laban upang mapalakas ang sektor ng agrikultura dahil sa mga intervening factor na wala sa kontrol ng gobyerno gaya ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at sigalot sa pagitan ng mga bansa o teritoryo.

Sa kabila ng hindi kontroladong “intervening factors,” nangako si Marcos na pursigido ang kanyang administrasyon na makamit ang mithiin para sa “food security” at “food sovereignty.”