BBM

PBBM dismayado sa nakitang kalbong bundok sa Rizal

Chona Yu Sep 4, 2024
157 Views

DISMAYADO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr . sa nakitang kalbong mga bundok nang magsagawa ito ng aerial inspection sa bahagi ng lalawigan ng Rizal.

Nag-inspeksyon si Pangulong Marcos para alamin ang lagay ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Enteng.

Pito katao ang nasawi sa landslide sa Antipolo City dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Sa ambush interview, sinabi ni Pangulong Marcos na lahat na lang ng puntahan niya matapos ang isang malakas na bagyo ay gumuho na ang mga bundok.

Dahil dito, iginiit ng Pangulo na kailangang maging mas mahigpit na sa pagpapatupad ng batas laban sa mga iligal na aktibidad sa kabundukan..

Nakapanghihinayang ayon sa Pangulo na bagamat may magagandang batas ang Pilipinas, hindi naman maayos na naipatutupad.

Binigyang diin ng Pangulo na hindi na ito kwestyon ng iligal na aktibidad kundi matter of life and death na.

Marami na aniyang namamatay dahil sa patuloy na iligal na aktibidad sa kabundukan at kapaligiran at dapat na itong matuldukan.