PBBM

PBBM may tiwala sa mga ahensiya ng gobyerno na labanan mga kalamidad

Chona Yu Jul 19, 2024
90 Views

WALANG nakikitang rason si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paulit -ulit na utusan at paalalahanan ang iba’t- ibang ahensya ng pamahalaan na maghanda tuwing may banta ng kalamidad.

Kumpiyansa si Pangulong Marcos sa kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno na mabilis na tumugon sa pangangailangan ng mga maapektuhang residente.

Paliwanag ni Pangulong Marcos, sa simula pa lamang ng kaniyang administrasyon nakapaglatag na sila ng standard operating procedure kasama ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para sa mga kailangang gawin bago pa tumama ang kalamidad.

Inihalimbawa ni Pangulong Marcos ang mga naka-prepositioned na mga food and non-food items at emergency supplies sa isang rehiyon o probinsiya na tatamaan ng kalamidad para maging on-time ang pagtugon ng gobyerno.

Maging ang mga equipment at personnel na kakailanganin sa relief, search and rescue at rehabilitation operations kadalasang nakaantabay na rin wala pa man ang kalamidad.

Ayon sa Pangulo, laging naka-pronta at nakahanda sa ganitong mga operasyon ang DSWD sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian na kahit hindi na sila mag-usap pa alam na ang mga gagawing aksyon.