Calendar
PBBM nagpasalamat sa UAE, pag-uwi ng 220 Pinoy inaayos na ng PH
TAOS-PUSONG pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) dahil sa pagbibigay ng pardon sa may 220 Flipino na nakakulong.
Sa video message, sinabi ni Pangulong Marcos na inaayos na ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga Filipino.
“Ikinagagalak kong ipabatid na sa okasyon ng ikalimampu’t tatlong National Day ng United Arab Emirates, dalawang daan at dalawampung Filipino ang pinagkalooban ng pardon ni Kanyang Kamahalan Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pardon sa mga Filipino ay karagdagan sa 143 Filipino na nauna nang nabigyan ng pardon noong Eid al-Adha na nagpapatunay na matibay ang ugnayan ng Pilipinas at UAE.
“We extend our heartfelt gratitude to His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan and Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum, whom I also had the honor to meet, for this compassionate gesture,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Patuloy na rin aniyang pinoproseso ang mga dokumento ng mga Filipino na nabigyan ng pardon para sa kanilang agarang pagbabalik.
Hangad din ng Pangulo na maging ligtas ang pag-uwi ng mga Filipino.