Calendar

PBBM nais maramdaman ng lahat ng Pilipino ang kaunlaran — Speaker Romualdez
NAIS ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na matiyak na ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay mararamdaman ng lahat ng mga Pilipino.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isinagawang groundbreaking ceremony para sa P388-milyong Estancia-Manlot-Calagna-an-Sicogon submarine cable power interconnection project sa Ayala Estate, San Fernando, Sicogon Island, Iloilo.
Dumalo sa seremonya ang mga opisyal ng Iloilo na pinangunahan nina Reps. Boboy Tupas at Jam Baronda, kasama ang mga opisyal ng Ayala na pinamumunuan ni Fernando Zobel de Ayala.
“Malinaw po ang kautusan ng ating Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga kasama niya sa gobyerno: walang dapat maiwan sa pag-unlad! Ang kaunlaran ay para sa lahat; hindi lang para sa mga lungsod, kundi pati sa ating mga isla at liblib na lugar,” ani Speaker Romualdez.
“At hindi po dito nagtatapos ang ating misyon. Tuloy-tuloy ang ating laban para sa mas maliwanag, mas maunlad, at mas patas na kinabukasan para sa bawat Pilipino,” dagdag pa niya.
“Ngayon, habang sinisimulan natin ang proyektong ito, hindi lang tayo naglalagay ng submarine cable, nagtatayo tayo ng mas maliwanag, mas masagana, at mas maunlad na kinabukasan para sa inyong lahat,” ayon kay Speaker Romualdez.
Ipinahayag ng pinuno ng Kamara na binubuo ng 306 na mga kinatawan ang kanyang pagkabahala na may mga taong bumabatikos sa Kongreso hinggil sa paglalaan ng pondo sa pambansang badyet.
“Mga kababayan, alam ko pong may mga bumabatikos sa Kongreso ngayon. Sinasabi nilang nasasayang ang pera ng taumbayan, na may hindi tamang paggasta sa ating pambansang pondo,” aniya.
“Ito ang sagot ko: narito ang inyong buwis! Napupunta ito sa proyektong may direkta at malinaw na benepisyo sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.
Inisa-isa ni Speaker Romualdez ang mga benepisyo ng proyekto ng submarine cable na mag-uugnay sa mga isla ng Iloilo:
– Mas maraming negosyo ang uunlad dahil mas maraming establisyimento ang magkakaroon ng maaasahang kuryente.
– Mas maraming turista ang dadagsa dahil ang Sicogon at iba pang isla ay mas magiging kaakit-akit sa mga bisita.
– Mas darami ang trabaho dahil sa masiglang negosyo at turismo.
– Mas magandang edukasyon dahil magagamit na ng mga estudyante at guro ang makabagong teknolohiya.
– Mas abot-kayang kuryente dahil wala nang kailangang umasa sa mahal na generator sets.
– Mas ligtas at maaliwalas na pamumuhay dahil may sapat na ilaw sa mga tahanan at lansangan.
“Dati, dilim at kahirapan ang iniinda ng ating mga kababayan. Ngayon, liwanag at pag-asenso ang hatid ng proyektong ito,” sabi ni Speaker Romualdez.
Aniya ang isla na dati walang kuryente ay magkakaroon na ng maaasahang suplay ng kuryente at ang komunidad na hirap sa pag-unlad, magkakaroon na ng bagong sigla sa turismo at negosyo.
Ang mga estudyanteng nahihirapan sa pag-aaral ay magkakaroon na ng access sa modernong teknolohiya, dadag niya.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang proyektong koneksyon ng kuryente ay patunay na ang buwis ng mamamayan ay ginagamit nang maayos at naibabalik sa kanila sa anyo ng mga serbisyo at proyektong nagpapahusay sa kanilang pamumuhay.
“Ito ang katotohanan: ang pera ng bayan, dapat bumabalik sa bayan! Sa Kongreso, masigasig kaming nagbabantay upang matiyak na ang bawat pisong ibinabayad ninyo sa buwis ay napupunta sa mga proyektong may direktang pakinabang sa inyo,” aniya.
“Ang P388 million Submarine Cable Interconnection Project ay hindi lamang simpleng proyekto ng elektripikasyon. Ito ay ilaw ng pag-asa, ilaw ng kabuhayan, at ilaw ng kaunlaran para sa mahigit 13,000 pamilya sa mga islang ito,” wika pa ng mambabatas.
Nagpasalamat din si Speaker Romualdez sa mga lokal na opisyal, Iloilo Electricity Cooperative III at sa Ayala group sa pagsasakatuparan ng proyekto.