BBM

PBBM nilagdaan EO para sa PH-Korea taripa schedule

Chona Yu Dec 28, 2024
15 Views

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.ang isang Executive Order (EO) na nagtatakda ng taripa ng Pilipinas sa ilalim ng kasunduan sa Free Trade Agreement ng Pilipinas at ng South Korea (PH-KR FTA).

Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No.80 noong Disyembre 23.

Nakasaad sa EO ang pangangailangang baguhin ang mga rate ng buwis sa pag-import ng ilang mga produkto upang masunod ng bansa ang Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA.

Base pa sa kautusan, lahat ng mga produktong nakalista sa Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng PH-KR FTA ay sasailalim sa mga rate ng buwis sa pag-import sa oras ng pagpasok ng mga ito sa bansa.

Nakasaad pa sa kautusan na ang lahat ng mga produkto na nagmula sa Republika ng Korea na nakalista sa nabanggit na Philippine Schedule of Tariff Commitments sa ilalim ng Seksyon 1 dito, na ipinapasok o inilalabas mula sa mga bodega o mga free zone sa Pilipinas para sa konsumpsyon o pagpapakilala sa teritoryo ng customs, ay sasailalim sa mga rate ng buwis tulad ng nakasaad dito, na may kaukulang pagsumite ng Proof of Origin, alinsunod sa mga naaayong regulasyon sa ilalim ng PH-KR FTA.

Ang Free Trade Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Republika ng Korea ay magsisimula sa Disyembre 31, 2024.

Ang kasunduan sa librekalakalang ito ay nilagdaan noong 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na ginanap sa Indonesia noong Setyembre 2023.

Layon din ng PH-KR FTA na lalo pang palakasin ang ugnayang pang-ekonomiya at bilateral na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Korea sa pamamagitan ng pagbabawas at pagtanggal ng mga taripa upang suportahan ang mga hakbangin ng pamahalaan sa pag-manage ng kompetisyon, paghimok ng mas maraming direktang pamumuhunan mula sa ibang bansa, at pagtamo ng mas paborableng mga konsesyon kaysa sa kasalukuyang umiiral na mga kasunduan.

Pinagtibay ni Pangulong Marcos ang PH-KR FTA noong Mayo 13, 2024, at inaprubahan ito ng Senado sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 1188 noong Setyembre 23, 2024.