BBM2

PBBM pinalakpakan sa planong pagtatayo ng mga specialty hospital sa bansa

172 Views

PINALAKPAKAN ng mga mambabatas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pahayag nito na magtatayo ng mga specialty hospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), binigyan-diin ni Marcos ang kahalagahan na mapaganda ang kalidad ng health system sa bansa.

Isa sa umano sa tututukan ng kanyang administrasyon ang pagtatayo ng mga specialty hospital gaya ng mga pagamutan na itinayo ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kabilang sa mga ospital na ito ang Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Hospital at National Kidney Institute.

“Napakinabangan natin nang husto ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute. Kaya maliwanag sa atin na hindi lang dapat dito sa National Capital Region, kundi maging sa ibang parte ng bansa kailangang magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan,” sabi ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na mailagay sa mga probinsya ang mga ganitong uri ng pagamutan upang hindi na kailangang pumunta sa Kamaynilaan ang mga pasyente “nang sa gayon, magiging mas madali sa may karamdaman na magpagamot nang hindi na kailangang magbyahe nang malayo.”

Itinulak din ni Marcos ang pag-anyaya sa mga manufacturer ng gamot na magtayo ng planta sa bansa at pinatututukan niya ito sa Department of Trade and Industry (DTI).

Para masiguro na hindi nagsasabwatan ang mga kompanya ng gamot sa pagtatakda ng mataas na presyo, inatasan ni Marcos ang Philippine Competition Commission para tiyakin na walang kartel.

Aasikasuhin din umano ng administrasyon ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga doktor, nurse, at iba pang healthcare workers.