BBM1 Sa sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang, ipinauuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation Secretary Nasser Pangandaman Sr. ang pabahay at suplay ng tubig at kuryente. PPA

PBBM pinamamadali rehab ng Marawi City

Chona Yu Oct 1, 2024
62 Views

PINAMAMADALI na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang rehabilitasyon sa Marawi City.

Sa sectoral meeting sa Palasyo ng Malakanyang, ipinauuna ni Pangulong Marcos kay Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation Secretary Nasser Pangandaman Sr. ang pabahay at suplay ng tubig at kuryente.

Pinagdodoble kayod ni Pangulong Marcos si Pangandaman na matapos na agad ang nasabing mga proyekto..

“You seem to have solutions to most of the issues. ‘Yun na lang, ‘yung installation of the power, and I think, more importantly, ‘yung tubig. We have to get that done as quickly as possible,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Wala tayong magagawa ‘pag walang water supply. ‘Yung brownout, you can live with it. ‘Yung walang tubig, hindi talaga,” dagdag ng Pangulo.

Tugon ni Pangandaman, naantala ang implementasyon ng Bulk Water Supply Project ng Local Water Utilities Administration (LWUA) dahil sa ilang legal na problema.

Tinutugunan na aniya ito ng LWUA at nangakong tatapusin sa loob ng apat na buwan o bago matapos ang taong 2024.

Pinareresolba rin ni Pangulong Marcos kay Pangandaman ang problema sa pabahay.

Sabi ni Pangandaman, natapos na kasi ang kontrata na upa ng gobyerno sa pribadong indibidwal na nagmamay-ari ng lupa.

Limang taon lang kasi aniya ang kontrata.

Tanong ni Pangulong Marcos kay Pangandaman kung maari pa itong palawigin ng dagdag na limang taon habang magpapatuloy pa ang konstruksyon ng permanenteng pabahay sa mga pamilyang naapektuhan ng giyera sa Marawi.