Calendar
PBBM pinangunahan groundbreaking ng 2 housing project sa CamSur
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony para sa dalawang housing project sa Camarines Sur na bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon.
Mahigit sa 20,000 housing unit ang itatayo sa dalawang proyekto.
“Isa po ito sa mga proyekto ng aking administrasyon na nakaangkla sa ating layunin na mabigyan ng komportable, maayos, at disenteng buhay ang lahat ng ating kababayan,” sabi ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Naga City.
“Ang pagkakaroon ng sariling bahay ay pangarap ng lahat ng Pilipino na nais magkaroon ng isang lugar kung saan sila makakapagsimula ng bagong kabanata ng kanilang buhay,” dagdag pa ng Pangulo.
Ito ang unang housing project na nilagdaan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) katuwang ang isang provincial government.
Limang residential tower ang itatayo sa anim na hektaryang lupa sa Panganiban Drive sa Naga City. Apat na commercial building din ang itatayo malapit dito.
Target ng Marcos administration na makapagtayo ng 6 milyong bahay sa loob ng anim na taon.
“Lahat ito nais natin paabutin ng anim na milyon na bagong pabahay dahil ‘pag pinag-aaralan natin ang housing sa Pilipinas, ‘yan ang numerong lumalabas na kulang na pabahay para sa ating mga kababayan,” ani Pangulong Marcos.
Kasama sa pagpaplano ng housing project ang pagtatayo ng mga paaralan, palengke, medical facility at livelihood infrastructure.