BBM

PBBM pinatutukan suplay ng petrolyo sa Bicol

Chona Yu Oct 25, 2024
80 Views

Pinatutukan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang supply ng produktong petrolyo sa Naga City at iba pang bahagi ng Bicol region na apektado ng bagyong Kristine.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos matapos iulat ni Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa situation briefing sa Malakanyang na hindi na nakararating ang supply ng produktong petrolyo sa Naga City.

Tugon ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, inatasan na niya ang Office of Civil Defense na maghanap ng ruta patungo ng Bondoc Peninsula patungo sa Camarines Sur kung saan maaring madala ang fuel vehicles, fuel tankers at iba sa pamamagitan ng barko.

“So, there will be a shuttle – a food, water and fuel, sir, via crossing the Bondoc Peninsula, that body of sea to Pasacao,” pahayag ni Teodoro.

Ayon kay Teodoro, bumiyahe na kahapon ,Oktubre 25 ang barko patungo sa Bondoc Peninsula.

Sa naturang situation briefing, sinabi ni Pangulong Marcos na siyam na bayan sa Camarines Sur ang lubog pa rin sa baha.