BBM2 Pinangunahan nin President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Ceremonial Turnover of Eight Completed Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) Projects. Kuha ni VER NOVENO

PBBM, Speaker Romualdez nanguna sa turnover ng pabahay sa mga biktima ng Yolanda

31 Views

PINANGUNAHAN nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Speaker Martin G. Romualdez ang ceremonial turnover ng Yolanda Permanent Housing Program (YPHP) projects sa Leyte, isang patunay sa pagnanais ng gobyerno na muling maitayo ang mga komunidad na winasak ng super typhoon Yolanda 11 taon na ang nakakaraan.

Kasama sa event na ginanap sa Burauen, Leyte ang turnover ng mga symbolic keys sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan mula sa walong munisipalidad sa Leyte, Samar, at Biliran kung nasaan ang mga housing project.

Ang mga proyektong ito ay bahagi ng inisyatiba ng National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng permanenteng bahay ang mga Yolanda survivors.

“Nagpapasalamat tayo sa Pangulo para sa patuloy na suporta sa ating lalawigan. Ang proyektong ito ay hindi lamang tungkol sa simpleng pabahay kundi simbolo ito ng pagbangon ng ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

Kasama sa YPHP turnover ang mga natapos na housing units sa mga sumusunod na komunidad:

1. Cool Spring Residences (Burauen Housing Project) sa Burauen, Leyte
2. Riverside Community Residences (Tabontabon Housing Project) sa Tabontabon, Leyte
3. Mont Village Subdivision sa Tanauan, Leyte
4. Coconut Grove Village sa Julita, Leyte
5. Marabut Village Sites 1 at 2 sa Marabut, Samar
6. Pastrana Ville sa Pastrana, Leyte
7. Dagami Town Ville sa Dagami, Leyte
8. Culaba Housing Project sa Culaba, Biliran

Umabot sa 3,517 housing units ang iti-turnover sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Yolanda, partikular sa mga pamilyang nakatira sa unsafe o no-build zones. Sa naturang bilang 1,963 na ang nai-award at inookupa na.

Ang bawat unit ay mayroong floor area na 22 hanggang 28.6 metro kuwadrado na itinayo sa 40 metro kuwadradong lupa.

“Ang mga bahay na ito ay kumakatawan sabagong pag-asa at bagong simula para sa ating mga kababayan na nasalanta ng Yolanda,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Ito ay patunay ng malasakit at pagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr.,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Kasama sa ceremonial turnover ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) at Deed of Donation and Acceptance (DODA), upang pormal ng mailipat ang mga housing unit sa mga benepisyaryo.

Nagpasalamat naman ang mga mayor, na siyang kumakatawan sa walong lokal na pamahalaan, sa pabahay para sa kanilang mga constituent.

Binigyan-diin naman ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng kolaborasyon sa pagitan ng national government at mga local stakeholder sa pagtugon sa problema sa pabahay at pagtiyak na makakabangon mula sa kalamidad.

“Ang tagumpay ng proyektong ito ay dahil sa pagtutulungan ng lahat ng sektor – mula sa pamahalaan hanggang sa ating mga komunidad,” sabi pa ng lider ng mahigit 300 kinatawan sa Kamara.

Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo sa pamahalaan.

Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na masiguro na makakabangon muli ang mga Yolanda survivor.

“This is also about restoring dignity and giving our kababayans a chance to rebuild their futures,” sabi pa nito.

Muli ring nangako si Speaker Romualdez na patuloy na isusulong sa Kongreso ang mga panukala upang mapalakas ang disaster preparedness at recovery programs ng gobyerno.

“Patuloy tayong magsusulong ng mga programang magbibigay ng seguridad at katiyakan sa ating mga kababayan,” sabi pa nito.

“Ang bawat tahanan ay simbolo ng pag-asa, at ang bawat proyektong ito ay patunay ng ating sama-samang pagsusumikap para sa mas magandang kinabukasan,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ayon sa NHA, natapos na nito ang 175,728 sa target na 189,800 units hanggang noong Disyebre 2024, kasama na ang 3,517 units na bahagi ng ceremonial turnover ngayong Biyernes. Ang nalalabing 14,072 units ay inaaasahan naman na matatapos hanggang Disyembre ngayong taon.

Nasa 67 porsiyento o 133,725 ng mga natapos na housing units ang nai-award na o inuukupa na ng mga benepisyaryo.