PBBM

PBBM: Suplay ng bigas sapat

Chona Yu Apr 23, 2024
95 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Ito ay kahit na nakararanas ng matinding epekto ng El Niño ang Pilipinas.

Sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa mga magsasaka sa Occidental Mindoro, sinabi nito na walang dapat na ikabahala ang publiko.

“Kung ang pinag-uusapan natin ang bigas sapat naman ang ating suplay. ‘Yung mga area na may patubig tumaas pa ‘yung ating naging ani, ‘yung tons per hectare natin, syempre marami pa.

Kagaya rito siguro mga singkwenta porsyento lamang ang irrigated, so ‘yung iba talaga nahihirapan. Dito sa Occidental Mindoro ang calculation namin 1% lamang ang naapektuhan ng El Niño na talagang kailangan ng tulong. Pero ‘yung naiwan na hindi irrigated ay iyon talaga ang kailangan namin. Kaya pinapaspas namin ang paglagay ng solar pump tsaka pati na yung dam,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, inatasan na niya ang National Irrigation Administration na palakasin at palawakin pa ang pagbibigay irigasyon sa mga sakahan para mapataas ang produksyon ng mga magsasaka

“Tapos marami tayong ibinibigay, dinadala na post-harvest facilities imbes na ginigiling pa ‘yung palay malayo pa ‘yung dinadalhan, kung saan-saan pa dinalada dito na gagawin para menos sa gastos, mas malaki ang kikitain ng farmer,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nagtungo si Pangulong Marcos sa Occidental Mindoro para mamigay ng ayuda sa mga magsasaka na apektado ng El Niño.