BBM1

PBBM tiniyak suporta ng gobyerno sa Cebu

142 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa probinsya ng Cebu ang patuloy na suporta ng kanyang administrasyon upang ito ay umunlad kasabay ng pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa Pangulo inilalatag ng kanyang administrasyon ang mga malalaking proyekto hindi lamang sa Cebu kundi sa buong bansa.

“Nakita ninyo naman, marami tayong kailangan pinapaspas, minamadali doon sa trabaho ng paglagay ng mga pagbabago, paggawa ng lahat ito, lahat nung nakikita ninyong problema na hinaharap natin. Precisely, lahat talaga nung ating isinisigaw noong kampanya,” ani Pangulong Marcos.

“Nandoon talaga ‘yung agrikultura, nandiyan ‘yung energy, nandiyan ang ating mga maliliit na negosyante, ‘yung mga MSMEs (micro, small, and medium enterprises) na ating tinatawag. Dahan-dahan natin talagang tinutulungan sila at masasabi ko naman na ‘yung ating pinaglaban noong nakaraang halalan ay hindi lang naman slogan ang ating isinigaw at ‘yung pinag-usapan ay talagang ginagawa natin,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang kanyang administrasyon ay nasa tamang landas para matupad ang kanyang mga ipinangako noong kampanya.

“Sa ngayon, ‘yung ekonomiya natin dito sa Pilipinas, kasama ko lang ‘yung mga business community ng European Union, ‘yung mga iba’t-ibang bansa. Eh tayo ngayon ang fastest growing country in the world,” sabi pa ng Pangulo.

“Tama ‘yung ating direksyon. Tama ‘yung ating mga iniisip. Tama naman ‘yung ating mga ipinaglaban. Talagang ipinaglaban naman talaga natin ‘yan dahil hindi naman naging madali. Syempre wala naman kampanya na madali,” dagdag pa nito.

Muling nagpasalamat si Pangulong Marcos sa mga taga-Cebu sa kanilang malaking boto sa kanya noong 2022 elections.

“Where Cebu goes…maraming sumusunod. So, it is very important ‘yung ginawa ninyo para naabot natin itong magandang pagkapanalo at masasabi natin, may unity tayong pinag-uusapan. Nagawa natin dahil lahat sumama na sa atin,” wika pa ng Pangulo.

Dumalo rin ang Pangulo sa grand launching ng Pier 88 seaport project sa Liloan, Cebu.