NBI

Pekeng NBI agent, tiklo

Jon-jon Reyes Sep 11, 2025
333 Views

SINAMPAHAN ng reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking na nagpanggap na ahente ng NBI sa ilang pribado at pampublikong events para makahikayat ng mga investor para sa agricultural trading firm sa Iligan City noong Miyerkules.

Nahaharap na sa reklamong paglabag sa Article 177 (usurpation of authority) ang suspek na si alyas Buot sa Iligan City Prosecutor’s Office.

Ayon sa report ng NBI-Iligan District Office (NBI-ILDO) kay NBI director Jaime Santiago, dumulog ang isang nagrereklamo sa mga pinagyayabang ng supek na NBI badge, IDs at baril habang nanghihikayat sa mga investors na maglagak ng puhunan sa Fu Dalu Agricultural Products Trading.

Sa imbestigasyon ni Special Agent Medrobel Ylanan, ng NBI-ILDO, may isang pagkakataon na sinundo pa ng suspek ang isang complainant sa airport at may kasama pang escorts na mga unipormadong police at military.

Nang maberipika sa NBI-Human Resource Management Division na wala ang pangalan ni Buot sa talaan ng mga empleyado at opisyal ng NBI, ipinagharap na ng reklamo ang suspek.

Pinuri ni Director Jaime Santiago ang mga ahente ng NBI-ILDO sa paghahain ng kaso laban sa pekeng ahente ng NBI.