Calendar
‘Pekeng’ recruiter sa Benguet ng gustong mag-OFW huli sa Ermita
KINALAWIT ng pulisya sa isang coffee shop ang babaing sangkot sa umano’y malawakang panlilinlang sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa Linggo ng hapon sa Ermita, Manila.
Inakala ng 37-anyos na si alyas Jam na hindi na siya matutukoy ng pulisya matapos takbuhan umano ang kasong large scale at syndicated illegal recruitment na isinampa laban sa kanya ng mga biktima, mahigit isang taon na ang nakalilipas sa lalawigan ng Benguet, sa pamamagitan ng pagtatago sa Maynila.
Ang hindi alam ng akusado, pinakilos ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen Manuel J. Abrugena ang kanyang mga kapulisan matapos malaman na nasa Rank 4 most wanted person ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Benguet si alyas “Jam” dahil sa dami ng mga naging biktima.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang matimbog ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Paranaque Police si alyas Jam habang nagkakape sa isang coffee shop sa loob ng Robinsons Ermita sa Maynila.
Bitbit ng pulisya ang dalawang warrant of arrest na ang isa ay inilabas ni Buguias, Benguet Regional Trial Court (RTC) First Judicial Region Presiding Judge Daniel Dazon Mangallay ng Branch 64 noong Hulyo 18, 2023 at ang isa ay ni La Trinidad, Benguet RTC First Judicial Region Presiding Judge Leody Malillin Opolinto ng Branch 62 na may petsang Hulyo 25, 2023 na parehong para sa mga kasong large-scale at syndicated illegal recruitment.
Parehong walang piyansang inirekomenda ang dalawang hukom para sa pansamantalang paglaya ng akusado.