PNA PNA file photo

‘People’s Impeachment’ target 1M lagda kada buwan para sa pagpapatalsik kay VP Sara

14 Views

NAKATAKDANG ilunsad ng isang faith-based group ang kampanya nitong “People’s Impeachment,” na layong mangalap ng isang milyong pirma kada buwan para itulak ang Senado na agad umpisahan ang impeachment hearing laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte._____

Ayon sa Kontra ABO (Abusive Behavior and Oppression)—isang alyansa ng mga pari, pastor, laypeople at mga mananampalataya—layunin ng signature drive na igiit sa mga senador na simulan ang impeachment proceedings sa lalong madaling panahon at huwag nang ipagpaliban hanggang Hulyo, gaya ng naunang pahayag ni Senate President Chiz Escudero.

“Kung tatanggi ang Senado na kumilos, ang taumbayan mismo ang kikilos! Kung gusto nila ng malakas na panawagan, bibigyan natin sila ng malakas na panawagan—isang sigaw na yayanig sa pundasyon ng bago nilang P30 bilyong gusali,” pahayag ng grupo.

“Dapat papanagutin si VP Duterte sa maling paggamit ng milyon-milyong pisong pondo ng bayan. Hindi na natin siya dapat bigyan pa ng pagkakataong humawak ng anumang posisyon sa gobyerno,” dagdag nito.

Nagpahayag ng matinding pagtutol ang grupo sa posibilidad ng panibagong Duterte sa Malacañang, kasabay ng panawagan para pananagutan sa mga patayan at pang-aabuso na nangyari noong nakaraang administrasyon.

“Pagod na ang sambayanang Pilipino sa mapang-abusong pamamalakad, karahasan, at paniniil ng administrasyong Duterte. Hindi natin maaaring hayaang bumalik sila sa kapangyarihan,” wika ng grupo, kasabay ng pagsasabing nilabag ng nakaraang gobyerno ang dignidad at karapatang pantao na nagdulot ng matinding pinsala sa mga mamamayan at sa lipunan.

Binanggit rin nila na ginawang normal ng administrasyong Duterte ang pang-aabuso, brutalidad at paniniil, na sumira sa moralidad ng lipunang Pilipino.

Nagbabala ang grupo na ang posibleng pagbabalik ng isa pang Duterte sa Malacañang ay magpapalala ng hindi pagkakapantay-pantay, pang-aapi at kawalang-katarungan.

Dagdag pa rito, maaaring lalo pang masupil ang mga boses ng taumbayan at mas mapigilan ang kalayaan ng ordinaryong mamamayan.

Bilang tugon, ilulunsad ng Kontra ABO ang kanilang unang malaking pagkilos, ang “Sunog Sala,” sa Marso 4 ng ika-10 ng umaga sa Sacred Heart Parish sa Kamuning, Quezon City.

Layunin ng nasabing pagtitipon na magsilbing hudyat para sa gagawin nitong signature drive at malakas na deklarasyon ng pagtutol sa pagbabalik ng mga Duterte sa kapangyarihan at panawagan para sa katarungan sa lahat ng biktima ng pang-aapi noong nakaraang administrasyon.

Ang “Sunog Sala” ay simula rin ng patuloy na laban para sa hustisya, edukasyon, kamalayan at pagkakaisa laban sa lahat ng anyo ng pang-aabuso at paninikil.