Lacson

Perwisyo, abala sa pila sa SSS, iba pang ahensya ng gobyerno tanggal sa digitalization

276 Views

SOSOLUSYUNAN ni Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson ang problema sa mahabang pila sa mga transaksyon sa gobyerno, gaya ng inabot ng mga nagtungo sa opisina ng Social Security System (SSS) sa Quezon City.

Batay sa ulat ng isang broadsheet, gabi pa lamang ng Huwebes ay naglatag na ng karton sa kalsada ang mga nagtungo sa SSS branch sa East Avenue, Diliman para lamang makakuha ng kanilang benepisyo nitong Biyernes.

Ayon kay Lacson, matagal na niyang isinusulong ang digitalization ng mga transaksyon sa pamahalaan upang maiwasan ang mga ganitong tagpo na nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga senior citizen.

Para sa presidential candidate, makakamit ng mga Pilipino ang patas na serbisyong panlipunan at masusugpo ang katiwalian sa tulong ng teknolohiya, kaya kabilang ito sa kanyang prayoridad na plataporma.

“Pondohan ang kabuuang investment na P18-billion ng National Broadband Programng gobyerno. Kailangan nating palakasin ang digitalization ng mga proseso ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubuhos ng mga mapagkukunan para sa automation at interoperability ng mga ahensya ng gobyerno,” ayon kay Lacson.

Sa kanyang mga aktibidad ngayong kampanya, ipinaliliwanag ni Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto ang mga hakbang na kanilang gagawin upang makamit ang programang digitalization sa gobyerno.

Una na rito ang pagpapalakas ng ating internet dahil nakakonekta rin ito sa pag-unlad ng maraming sektor. Kung mabilis kasi anila ang internet at mobile phone signals, lalo na sa mga kanayunan ay dadaloy ang pag-unlad sa lahat ng mga komunidad.

Maaalis din nito ang human intervention na nagiging ugat ng katiwalian sa mga transaksyon sa pamahalaan katulad na lamang ng pagkolekta sa mga buwis at taripa. Sa tulong din ng digitalization ay maiaangat ang mga serbisyo at pasahod sa mga manggagawa dahil mahigpit na mamo-monitor ang kita ng mga may-ari ng negosyo, ayon kay Lacson.

Sabi pa ng tambalang Lacson-Sotto, hindi tulad ng ibang mga nangangako sa bayan, kaya nilang maipatupad ang platapormang ito bilang presidente at bise presidente dahil napag-aralan na nila ito sa kanilang pagtupad ng kanilang mga tungkulin bilang mga mambabatas.