Calendar
PH inaasahang magiging pangunahing destinasyon ng mamumuhunan sa CREATE MORE
Ganap nang batas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE).
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Marcos ang bagong batas na naglalayong gawing pangunahing destinasyon ang Pilipinas para sa mga pamumuhunan, at magbibigay-daan para sa pag-usbong ng ekonomiyang pinapanday ng mga investment.
Aamyendahan ng Republic Act No. 12066 o CREATE MORE Act ang National Internal Revenue Code (NIRC) at nagpapalakas ng fiscal regime incentives ng bansa.
Sa talumpati sa ceremonial signing ng bagong batas sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni Pangulong Marcos na ipinapakita ng CREATE MORE ang patuloy na pagsusumikap ng Pilipinas na suportahan at pasiglahin ang mga negosyo tungo sa matatag at inklusibong pag-unlad ng ekonomiya.
Nabatid na ang CREATE MORE ay magbibigay ng mas mahabang insentibo para sa mga estratehiko at de-kalidad na pamumuhunan, kung saan daragdagan ang maximum tax incentives mula 17 taon hanggang 27 taon.
Makikinabang dito ng mga rehistradong negosyo sa ilalim ng enhanced deductions regime ng mas mababang corporate income tax rate na 20 porsyento, at bibigyan din sila ng karagdagang 100 porsyentong deduction sa gastusin sa kuryente na malaking tulong sa manufacturing sector.
Magiging simple na rin ang proseso ng VAT refund sa pamamagitan ng pagpapaikli ng proseso ng dokumento at pagtugon sa mga tax concerns ng mga export-oriented na negosyo.
Dagdag pa rito, ipinatutupad sa ilalim ng batas ang pag-aayos at pagpapagaan ng proseso ng mga insentibo.
Maliban dito, pinalalakas din ng CREATE MORE Act ang mandato ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) at ng mga investment promotion agencies (IPAs) upang higit pang mahikayat ang mga mamumuhunan sa Pilipinas, habang pinapalaganap ang isang investment-friendly na kapaligiran.