BBM4 Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos JR. Pinangunahan ang groundbreaking ceremony ng Meralco Terra Solar Project sa Penaranda, Nueva Ecija

Pinakamalaking PH solar facility binuksan ni PBBM sa Ecija

Chona Yu Nov 21, 2024
117 Views

IBINIDA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbubukas sa pinakamalaking solar power facility sa bansa sa Nueva Ecija.

Sa inauguration ceremony sa Penaranda, sinabi ni Pangulong Marcos na nasa P200 bilyon ang Terra Solar Project ng Meralco.

Ayon kay Pangulong Marcos, tutugunan ng solar power plant ang dalawang kritikal na hamon, ang tumataas na demand sa kuryente at pag-shift sa renewable at sustainable energy.

Sabi ni Pangulong Marcos, oras na maging fully operational sa 2027, inaasahang makalikikha ito ng 3,500 megawatts ng solar power para sa Luzon grid, kaakibat ng 4,500 megawatt-hour ng battery energy storage.

Inaasahang makapagsusuplay din ito ng kuryente sa mahigit dalawang milyong households.

Makakabawas din ito ng mahigit 4.3 million metric tons ng carbon emissions kada taon, o katumbas ng carbon emission ng tatlong milyong sasakyang gumagamit ng gasolina.

Bukod sa stable na suplay ay mapababa rin umano nito ang presyo ng kuryente at makatutulong sa pagkakamit ng 35% renewable energy mix pagsapit ng 2030, tungo sa mithiing ibsan ang epekto ng climate change.

Nasa 10,000 katao ang inaasahang mabibigyan ng trabaho dahil sa naturang proyekto.

“At ito talaga ay napakahalaga dahil nakikita natin sa pag-advance ng teknolohiya ang pangangailangan sa power ay pataas nang pataas, parami nang parami,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Bagay na bagay sa atin ang solar dahil alam naman ninyo kahit umuulan, may araw pa rin at nakakapagbigay pa ng power ang solar,” dagdag ng Pangulo.