Pinay

Pinay recruiter sa Dubai ipinahahabol ni Tulfo

11 Views

IPINAHAHABOL at ipinakukulong ni Senator Erwin Tulfo ang isang Pinay recruiter sa Dubai na umano’y nagpadala sa 30 manggagawang Pilipino sa Russia, kung saan sila umano’y pinagsanay bilang sundalo.

Sa Lunes, Nobyembre 30, haharapin ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro si Russian Ambassador Marat Ignatyevich Pavlov para hilingin ang tulong ng Moscow sa pagpapauwi sa mga manggagawa.

Ito ang iniulat ng kalihim kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Hindi pinangalanan ni Tulfo, vice chairman ng Senate foreign relations committee, ang recruiter. Kuwento ng senador, nilapitan ng babae ang mga manggagawa habang nagtatrabaho sila sa Dubai at inalok ng mas mataas na kita sa Russia.

“Mga inosenteng OFWs sila sa Dubai nang alukin ng Filipina recruiter ng mas malaking sahod daw sa Russia,” ani Tulfo.

Sahod na $3,500 kada buwan at P150,000 na signing bonus umano ang ipinangako sa kanila. Nang usisain ng mga manggagawa kung ano ang kanilang gagawin, manual labor daw ang isinagot ng recruiter, ayon sa senador.

“Tinanong pa daw ng mga nasabing OFW kung anong trabaho doon, e pangako sa kanila gumawa lang ng mga kampo ng sundalo at maglinis ng mga bunker at iba pang manual labor,” sabi niya.

Ayon naman sa kanilang mga pamilya, pinagsanay agad bilang sundalo ang mga manggagawa pagdating sa Russia para sa giyera kontra Ukraine. Gamit ang social media, humingi na ng saklolo sa gobyerno ang grupo.

Para kay Tulfo, dapat maiuwi sa bansa ang recruiter, makasuhan at makulong kapag napatunayang may pananagutan.

“Dapat habulin itong illegal recruiter na ito at panagutin sa kanyang panloloko sa kapwa Pilipino,” giit ng senador.

Batay sa mga naunang ulat, una nang nagbabala umano ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa pagtanggap ng alok na sumali sa dayuhang hukbo, kahit pa ipinakikilala itong sibilyang trabaho. Noong Setyembre, sinabi rin umano ng isang security expert na 14 na Pilipino ang na-recruit para lumaban para sa Russia.

“I heard the President is closely monitoring the situation of these OFWs at gusto daw niyang maialis na sila doon,” dagdag ni Tulfo.